Powered by Blogger.

Wednesday, July 06, 2011

Hindi Lamang Isang Tungkulin

Madalas nating naririnig ang mga katagang “Trabaho lang, walang personalan.” Totoong dapat tayong maging obhetibo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Isipin ninyo ang isang tapat na alagad ng batas na kailangang hulihin ang isang salaring kamag-anak niya. Kung paiiralin niya ang pagiging magkadugo nila, tiyak na hindi niya tutugisin ang kriminal. Pero kung mangingibabaw sa kanya ang kahalagahan ng katarungang panlipunan, gagawa at gagawa siya ng paraan para makulong ito.

Subalit sa ating pagiging Kristiyano, di sapat na sabihing obligasyon lamang kung kaya tayo nagsisimba linggu-linggo, nag-aayuno sa mga piling araw ng Kuwaresma, nagbibigay ng limos sa mga dukha, atbp.

Kung ang tingin natin sa ating pananampalataya ay lupon ng mga obligasyon lamang, wala tayong pinagkaiba sa mga pariseo noong panahon ni Jesus. Bagama’t tinitingala ng mga tao dahil sa kanilang posisyon sa pamayanan at sa kanilang pagtupad sa maraming batas at debosyon ng kanilang relihiyon, payat ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Kung kaya anumang pagsunod nila sa utos o kalooban ng Diyos ay maihahalintulad sa isang hollow block – walang laman ang loob.

Isa sa mga palaging ibinabandera ng mga tinatawag na Born-again Christians ay ang kahalagahan na tanggapin si Jesus bilang personal nating Tagapagligtas. Hindi ito isang mali o taliwas sa aral ng ating Simbahan, pero ito marahil ang isang bagay na malimit nating ipinagwawalang-bahala o kaya’y di natin inaakalang dapat bigyang-pansin.

Isang balakid na maituturing kung bakit di natin ito pinahahalagahan ay ang kulturang binibigyang-diin ang Simbahan bilang isang institusyong binubuo’t pinamumunuan ng mga pari kaysa isang komunidad na kinabibilangan ng mga inordenahan at mga layko. Ito’y nakakadismaya lalo na kung mababalitaan natin ang mga iskandalong kinasasangkutan ng mga pari sa bawat sulok ng mundo at ang pawang katahimikan o kawalan ng aksyon ng kanilang mga pinuno.

Hindi sapat na kilalanin si Kristo bilang isang Diyos. Higit Siyang dapat kilalanin bilang isang Nagmamahal at Nagliligtas na Diyos. Ang pagkakaroon ng mas personal pang pakikipag-ugnayan sa Kanya ang susi para buong puso nating susundin ang Kanyang kalooban, para buong pagpapakumbaba nating tatahakin ang Kanyang daan.

Nakakalungkot isiping ipapatupad na sa English-speaking world ang bagong saling Misa sa Ingles sa kabila ng mga pagbatikos at kontrobersiyang bumabalot dito. Sinasabing ang ipapatupad na bersyon ay hindi ang inaprubahang bersyon ng mga bishops conferences. Di makakatulong sa atin na magbuo ng mas personal pang relasyon sa Panginoon kung ang mga salitang gagamitin sa Misa – na siyang pinakadakilang paraan ng panalangin ng buong Simbahan- ay luma’t laos na. Bagama’t marunong magsalita ng Ingles ang maraming Pinoy, mahihirapan tayong maunawaan ang ilang salitang gagamitin sa bagong saling Misa. Tila babalik na naman tayo sa panahon ng ating mga lolo’t lola kung saan ang Misa ay sa wikang Latin na di naman nila naunawaan - ang Misa ay magiging pagtitipong di lubos na naiintindihan ng maraming dumadalo dito, isang seremonyas na mangilan-ngilan lang ang magkakaroon ng mas aktibong partisipasyon salungat sa ipinag-uutos ng Vatican II Council!

Hindi rin tayo makakakuha ng inspirasyon sa ang mga pangungusap sa ilang bahagi ng Misa; may mga panalanging ang tono ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay parang makapangyarihang hari na dapat katakutan at tayo ay mga makasalanang nasasakupan Niya. Tunay ang makapangyarihan ang Diyos at tayo’y mga nagkasala subalit mas mainam na ipakita ang Kanyang pagkamaawain at pagkagalante.

Sa totoong buhay, mas mamahalin natin ang sinumang nagpapakita sa atin ng kabutihan; nagiging kapalagayan natin ng loob ang sinumang nagpapadama sa atin ng pag-aalala; nagmumula sa puso ang ating pagsunod sa sinumang nakakaunawa’t sensitibo sa ating mga pangangailanga’t kahinaan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP