Powered by Blogger.

Monday, August 01, 2011

Salamat, Panginoon, salamat!

Tanda ng paggalang ang pagsabi ng “Thank you” sa sinumang nakagawa ng kabutihan sa atin, maliit man ito o malaki, bahagi man ito ng trabaho o hindi. Tiyak na ito ang isa sa mga unang posibleng matutuhan (o di matutuhan) ng isang bata mula sa kanyang mga nakatatanda.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga awit-pasasalamat sa Diyos sa samu’t saring ginawa Niya para sa Kanyang Bayan. Samu’t saring ginawa na pawing dakila! Matutunghayan din sa Bibliya ang mga personal na pagpapasalamat ng ilang kilalang karakter sa kasaysayan ng kaligtasan gaya nina Abraham, Anna, at Maria.

Bagama’t gumawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa mga karakter na ito, hindi naiiba ang buhay nila sa atin. Dumanas din sila ng mga pagsubok – matagal bago nagkaanak sina Abraham at Anna samantalang isang dalaga si Maria nang magdalantao. Di katakatakang maging usapin sila ng kanilang mga kababayan. Dumaranas din tayo ng ganitong uri ng pag-uusig. Pinagpipiyestahan din ng mga matatabil na dila ang anumang problemang kinakaharap natin. Sa gitna ng tila kadilimang ating kinalalagyan, nasa lugar pa ba ang magpasalamat sa Kanya? Nararapat pa bang magpuri sa Kanya?

Mainam sigurong sagutin ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa naging tugon nina Abraham, Anna, at Maria. Ano nga ba ang naging reaksyon ni Abraham sa pagiging baog ng kanyang asawang si Sarah? Ano nga ba ang inasal ni Anna habang pinagmamasdan ang mga anak ng kanyang asawa sa pangalawang nitong asawa? Paano nga ba hinarap ni Maria ang sitwasyong papasukin niya? Nanalig sila’t sumunod sa kalooban ng Panginoon! Hindi madali ang naging buhay-pananampalataya nila pero nanatili silang kumilala sa kani-kanilang kahinaan at nanalig sa kapangyarihan ng Diyos. At dahil kinilala nila kung ano ang ginawa ng Panginoon sa kanila, natuto silang magpasalamat. Pasasalamat na ipinahayag nila sa salita at sa gawa.

Kung natutukso tayong magreklamo’t sumimangot sa hirap at bigat ng ating mga pasanin, huwag nawa nating kalimutan ang mabubuting ginawa ng Diyos sa atin. Isa nang biyayang dapat ipagpasalamat ang pagdating ng panibagong araw, di lang dahil humihinga pa rin tayo, kundi lalo’t higit nandoon ang pag-asa na magsikap, na magbago, na magmahal sa Diyos at kapwa. Kung marunong tayong magpasalamat tuwina, madadala natin ang ating buhay nang may saya, nang may ngiti, nang may mainit at malinamnam na pakikitungo sa iba.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP