Isang patalastas, maraming taon na ang nakakalipas, ang may mensaheng ganito: Be honest. Even when others are not. Even when others do not.
Sa panahong ang kalakaran ay “Anything goes.” o “Ok na yan!”, damang-dama ang tuksong huwag tahakin ang daang matuwid. Sa panahong tila manhid na tayo sa kasalanan, ang paggawa ng tama ay maituturing na wala na sa uso.
Subalit may mga taong pinili pang lumaban sa agos ng kasamaan at kadiliman. Mga taong walang hangad kundi ang manatiling kalugud-lugod sa mata ng Diyos sa kabila ng anumang paghihirap na kanilang daranasin.
Pinangakuan ng buhay at kalayaan kapalit ang pananampalataya kay Kristo, minarapat pa ni Lorenzo Ruiz na mamatay bilang tunay na tagasunod ng Panginoon kaysa mamuhay na taksil. Imbis na iligtas ang kanyang buhay, ipinagtanggol pa ni Pedro Calungsod ang kasama niyang pari sa mga kamay ng mga pumaslang sa kanila.
Minsan inaakala natin wala nang pagkakataong gumawa ng mabuti o tama sa panahong puno ng pagsubok. Kapag laganap ang kahirapan, kawalan ng trabaho, o anumang suliranin, ang una nating reaksyon ay mabahala o kaya’y mawalan ng pag-asa. Kung ang mga reaksyong ito’y di natin masasawata, manghihina ang ating pananampalataya sa Diyos. Kapag ito’y humina, tiyak na madali tayong mahuhulog sa kasalanan.
Tularan natin ang halimbawa ni San Lorenzo at Beato Pedro, mga kababayan natin sa lupa. Ngayong Setyembre, hilingin natin sa pamamagitan nila na manatili rin tayong buo ang loob sa paggawa ng mabuti at sa pamumuhay nang banal. Kung pagsisikapan nating maging determinado sa lahat ng oras, makakaasa tayong balang araw, sa awa ng Diyos, magiging kababayan din natin sila langit !
Thursday, September 08, 2011
Determinasyon
Labels:
determinasyon,
kabanalan,
kabutihan,
Lorenzo Ruiz,
Pedro Calungsod
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment