Wednesday, November 02, 2011
Limang Hakbang sa Kaharian
Ngayong Nobyembre, isa nang tradisyon ang alalahanin natin ang lahat ng mga yumao. At habang inaalala natin sila, di natin maaalis ang sakit na idinulot ng kanilang pagkamatay. Subalit hindi lamang dapat ang paglisan nila sa mundo ang dapat na manatili sa ating alaala. Lalo’t higit pang dapat na manatili sa ating pag-iisip kung paano sila namuhay sa daigdig. May mga ilan sa kanila na naging mahuhusay na manggagamot, guro, inhinyero, nars, pari, atbp. Mayroon sa kanilang ginamit ang kanilang kakayahan para mapabuti ang kalagayan ng ating buhay – bilang indibidwal, pamilya, o bansa. Mayroon sa kanilang tumugon nang buong katapatan sa panawagan ng Diyos na pagsilbihan Siya at ang Kanyang Bayan. Kapag naisip natin ang kanilang kabutihan, tayo’y mapupuno ng pasasalamat dahil ipinagkaloob sila sa atin ng Diyos.
Sa kanilang pagkamatay, hinahamon tayong tularan sila na pag-ibayuhin ang anumang ginagawa nating mabuti para sa iba. Paano ba natin ito magagawa?
Una, sikapin nating laging naka-ugnay sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay. Simulan at tapusin natin ang araw sa pamamagitan ng panalangin.
Pangalawa, maging gising sa mga nagaganap sa ating paligid upang lalo pa nating malaman kung saan tayo posibleng makatulong.
Pangatlo, iwasan ang sistemang “Pwede na ‘yan!“. Huwag tayong masiyahan sa pabara-barang trabaho o paglilingkod. Tandaan nating ang anumang gawin natin ay repleksyon ng ating katauhan.
Pang-apat, paunlarin pa natin ang ating kakayahan sa pamamagitan ng pag-aaral, pagdalo sa mga seminar, at pakikipag-ugnayan sa ibang nais ding paunlarin ang kanilang kaalaman.
Panlima, ialay lagi sa Diyos ang iyong nahubog o hinuhubog na kakayahan.
Kung matutupad natin ang limang hakbang na ito, di lamang mananatiling buhay ang alaala ng mga butihing yumao kundi lalo’t higit mapapabilis pa natin ang paghahari ng Diyos “dito lupa para nang sa langit”.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment