Sa ika-11 ng Oktubre ng taong kasalukuyan, ilulunsad ng Simbahang Katolika ang Taon ng Pananampalataya. Magsisimula ang pagdiriwang na ito sa ika-50 anibersaryo ng pagbubukas ng Vatican Council II at magtatapos sa ika-24 ng Nobyembre 2013, Kapistahan ni Kristong Hari.
Maraming pagbabagong idinulot sa buhay ng Simbahan ang Vatican Council II. Sa larangan ng liturhiya halimbawa, mas pinaigting pa ang pakikiisa ng mga layko sa banal na pagdiriwang. Sa larangan ng Banal na Kasulatan at Pagpapahayag ng Diyos, lalong pinag-ibayo ang pag-aaral ng Salita ng Diyos bilang pagkilala sa masusing papel nito. Bunga din ng nasabing konsilyo ang pagkilala sa ugnayan ng Simbahang Katolika sa ibang relihiyon at ang papel ng mga obispo bilang isang kapulungang humalili sa mga Apostol sa pangangaral at pamumuno sa Simbahan sa pangunguna ng Banal na Papa.
Sa Main Building ng UST, na madalas mapagkamalang isang simbahan dahil sa malaki nitong tore na may krus sa tuktok, may tatlong estatwa na pinamagatang 'Tria Haec' (Itong Tatlo). May hawak na krus ang estatwang napapagitna at nakatayo sa mas mataas na pedestal. Sumasagisag ito sa 'Fides' (Pananampalataya). Sa kanan nito, may hawak na angkla ang estatwa, sagisag ng ,Spes. (Pag-asa). Sa kaliwa naman nito, makikita ang estatwa na nagpapakain ng isang animo'y mahirap na bata. Ito ang sagisag ng 'Caritas' (Pag-ibig). Kinikila ang tatlong ito bilang mga theological virtues dahil sila'y mga biyaya sa atin ng Diyos para sa ating kaligtasan.
Sinasabing ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos upang maniwala tayo nang walang pag-aalinlangan sa anumang ipahayag Niya sa atin. Ang pananampalataya ay isang handog at dahil diyan, nasa ating mga kamay kung ano ang gusto nating gawin dito.
Nakakalungkot isipin at masaksihan kung paanong ang pananampalatayang ito ay ipinagwawalang-bahala o kaya'y itinatakwil ng marami sa ating paligid. Nakakadismaya't nakakawala ng pananampalataya ang pagkakasangkot ng dalawang alagad ng Diyos sa magkahiwalay na iskandalong kumalat sa media kamakailan lang.Minsan, ganito rin ang ating ginagawa. Mamimili tayo ng mga aral na sang-ayon sa atin at ibabasura ang di kanais-nais sa atin.
Sa pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Diyos na lalo pang lumalim ang ating ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, pagtanggap ng mga sakramento lalo na ng Banal na Komunyon, at pakikiisa sa mga gawaing pansimbahan.
Sa ganang amin sa Tanghalang Anluwage, bilang taus-puso pasasalamat sa Poong Maykapal sa ika-21 anibersayo namin ngayon, sisikapin naming patuloy na maipahayag ang Kanyang Salita sa samu't saring anyo ng aming paglilingkod sa Simbahan upang lalo pang matuklasan, mapagyaman, at maipahayag ang ganda ng ating pananampalataya.

No comments:
Post a Comment