Mawilihin tayong mga Pinoy sa mga bata. Tila di kumpleto ang isang tahanan o barangay o anumang sangay ng lipunan kung walang bata. Napupuno ng buhay ang anumang puntahan nila. Napapawi ang pagod ng sinumang makakakita sa kanilang mga ngiti at makakarinig sa kanilang mga tawa.
Kamakailan lang ipinadiwang natin ang Kapaskuhan at lalong naging kumpleto ang ating buhay dahil sa pagsilang ng Anak ng Diyos sa mundo. Sa Kanyang pagsilang, napuno ng kakaibang ligaya't kapayapaan ang daigdig. Sa Kanyang pakikiisa sa atin, natagpuan ng mundo ang matagal na niyang hinahanap na liwanag. Bukod dito, nagkaroon ng higit na kabuluhan ang pagsilang ng sinumang tao. Marahil aayon ang lahat ng magulang na nagluwal ng anak na nakikita't nakikibahagi sila sa naging karanasan ni Maria't Jose noong unang Pasko.
Sa pagsalubong natin sa Bagong Taon, sa pagbibigay-pugay natin sa Banal na Sanggol, patuloy nating dalhin ang liwanag ni Kristo na ating nakamit noong Pasko. Patuloy nating taglayin ang katapatan ng Diyos sa Kanyang pangakong Mesiyas. Patuloy nating saksihan ang pag-ibig ng Diyos sa anyo ng isang sanggol. Kung magagawa natin ito, maisasapuso natin ang lahat ng bata sa ating paligid - isinalang na o isisilang pa lamang - at makagagawa tayo ng mga hakbang upang maitaguyod silang mabubuting mamamayan di lamang ng mundong ito kundi pati na rin sa kabila.

No comments:
Post a Comment