"Nagising na lang akong walang pagmamahal sa kanya."
"Di na siya ang taong nakilala't minahal ko noon."
"Ayoko na sa kanya."
Ilan lang ito sa mga paliwanag na maririnig natin mula sa isang taong nakipaghiwalay na sa kanyang asawa. Sa paglaho ng pagmamahal, nagiging madilim, malungkot, at mapait ang dating masaya't matamis na buhay-pamilya.
Maihahalintulad ang kawalan ng amor ng mag-asawa sa isa't isa sa kawalan ng alak sa kasalan sa Cana (Juan 2:1-12). Sa pagkaubos ng isang mahalagang sangkap sa pagdiriwang, nalagay sa bingit ng kahihiyan ang bagong-kasal. Sa pamamagitan ni Maria, iniligtas ni Jesus ang mag-asawa sa kahihiyan nang gawin Niyang tubig ang alak.
Maraming pagkakataon na dumaranas ang mag-asawa ng pagkaubos ng 'alak' sa kanilang buhay. Ilang halimbawa ng 'alak' na ito ang biyaya ng Diyos at ang pagmamahalang namamagitan sa mga-asawa't pamilya. May mga pagkakataong mabigat, masakit, o mahirap tanggapin ang pagkaubos nito. At kung mahina-hina tayo, di malabong sumuko na tayo. Pagsukong nauuwi sa hiwalayan o kaya'y pagsasamang walang kabuhay-buhay.
Kung babalikan natin ang kuwento ng kasalan sa Cana, mapapansin nating tumulong si Maria kahit walang lumalapit sa kanya. May nagkumento na kung tumulong ang Mahal na Birhen nang walang nagsasabi sa kanya, gaano pa kaya kung may humingi sa kanya ng saklolo ?
Sa buwang ito ng pag-ibig, makilala nawa ng mga mag-asawa na may pangatlong persona sa kanilang bokasyon: ang Diyos. Anumang problema, lalo na ang tila mabibigat ay di dapat sarilinin. Kung aasa lang ang mag-asawa sa kanilang sariling kakayanan, tiyak na di nila malulutas ang kanilang suliranin. Makilala nawa nila, gaya ni Maria, ang presensya't kapangyarihan ng Diyos. At sa pagkilala nila, tumulad sila sa Mahal na Ina na di nag-atubiling dumulog sa Kanya. Importanteng-importante na sa pagdulog sa Diyos handa ang mag-asawang talikdan ang anumang maling nagawa nila't magbagong-buhay. Kung magagawa ito ng bawat mag-asawa, makakaasa tayong lalo pa nilang masasalamin ang pag-ibig ng Panginoon sa kanilang mga anak at sa sinumang makasalamuha nila. Babaha ng alak!

No comments:
Post a Comment