Powered by Blogger.
Showing posts with label mag-asawa. Show all posts
Showing posts with label mag-asawa. Show all posts

Sunday, February 01, 2015

Separado


Hindi biro ang paghihiwalay ng mag-asawa. Sang-ayon sa dokumentong inilathala matapos ang Extraordinary Synod of Bishops noong Oktubre, ang paghihiwalay at diborsyo ay mga sugat na nagdudulot ng pagdurusa sa mga mag-asawa at sa kanilang mga anak.

Sa ating pananampalataya, kinikilala natin ang pag-iisang dibdib ng isang lalaki at babae na siyang tanda ng pag-iisang dibdib ni Kristo at ng Simbahan. Ang pagsasama ni Kristo at ng Simbahan ay permanente, tapat, at mabunga.  Tinatawag din sa ganitong uri ng pagsasama ang mga mag-asawa.  

Subalit may mga pagkakataong hindi ito nangyayari sa maraming kadahilanan.  Para sa iba, ang paghihiwalay na lamang ang naiiisip nilang solusyon lalo na kung nanganganib ang kanilang buhay o kanilang mga anak.

May mga nagkahiwalay na nanatili na lamang nag-iisa sa buhay o kaya ay solong magulang ng mga anak.  Ngunit mayroon ding mga nakatagpo, nakipisan, at nagpakasal sa iba sa Kasal na Sibil at - kung mapapawalang-bisa ang unang kasal - sa Kasal sa Simbahan.

Ipinahayag ng mga obispong lumahok sa nasabing sinodo na dapat samahan ng Simbahan ang mga nagkahiwalay nang may atensyon at pangangalaga sang-ayon sa awa ni Kristo.  Sa pangangalagang ito, sang-ayon sa mga obispo, mapapanumbalik ang pag-asa at tiwala sa sarili ng mga biktima ng hiwalayan. 

Marahil bago sa pandinig ng ilan nating mambabasa ang pangangalaga sa ganitong mga uri ng tao. Marahil sa maraming parokya sa Pilipinas, mas matunog ang mga apostolado para sa mag-anak, para sa mga lalaki at babaeng kasal sa Simbahan.  Kung wala pang ganitong apostolado sa ating mga parokya, oras na para magkaroon nito.  

Kung hindi tayo magiging bukas sa katotohanang ang paghihiwalay ay nangyayari, kung hindi natin babaguhin ang ating sistema sang-ayon kay Jesus na nagdalang-habag sa babaeng Samaritana nang hindi kinunsinti ang pakikiapid nito (Juan 4:1-42), paano natin mahihikayat ang mga separado nating kapatid na makiiisa sa buhay ng ating sambayanan; paghihikayat na hindi nanghuhusga? Sila rin ay bahagi ng Simbahan. Sila rin ay mga anak ng nagmamahal na Diyos.

Friday, February 01, 2013

Nang Maubos ang Alak

"Nagising na lang akong walang pagmamahal sa kanya."
"Di na siya ang taong nakilala't minahal ko noon."
"Ayoko na sa kanya."
 
Ilan lang ito sa mga paliwanag na maririnig natin mula sa isang taong nakipaghiwalay na sa kanyang asawa.  Sa paglaho ng pagmamahal, nagiging madilim, malungkot, at mapait ang dating masaya't matamis na buhay-pamilya.
 
Maihahalintulad ang kawalan ng amor ng mag-asawa sa isa't isa sa kawalan ng alak sa kasalan sa Cana (Juan 2:1-12). Sa pagkaubos ng isang mahalagang sangkap sa pagdiriwang, nalagay sa bingit ng kahihiyan ang bagong-kasal. Sa pamamagitan ni Maria, iniligtas ni Jesus ang mag-asawa sa kahihiyan nang gawin Niyang tubig ang alak.
 
Maraming pagkakataon na dumaranas ang mag-asawa ng pagkaubos ng 'alak' sa kanilang buhay. Ilang halimbawa ng 'alak' na ito ang biyaya ng Diyos at ang pagmamahalang namamagitan sa mga-asawa't pamilya.  May mga pagkakataong mabigat, masakit, o mahirap tanggapin ang pagkaubos nito. At kung mahina-hina tayo, di malabong sumuko na tayo. Pagsukong nauuwi sa hiwalayan o kaya'y pagsasamang walang kabuhay-buhay.
 
Kung babalikan natin ang kuwento ng kasalan sa Cana, mapapansin nating tumulong si Maria kahit walang lumalapit sa kanya.  May nagkumento na kung tumulong ang Mahal na Birhen nang walang nagsasabi sa kanya, gaano pa kaya kung may humingi sa kanya ng saklolo ?
 
Sa buwang ito ng pag-ibig, makilala nawa ng mga mag-asawa na may pangatlong persona sa kanilang bokasyon: ang Diyos.  Anumang problema, lalo na ang tila mabibigat ay di dapat sarilinin. Kung aasa lang ang mag-asawa sa kanilang sariling kakayanan, tiyak na di nila malulutas ang kanilang suliranin.  Makilala nawa nila, gaya ni Maria, ang presensya't kapangyarihan ng Diyos.  At sa pagkilala nila, tumulad sila sa Mahal na Ina na di nag-atubiling dumulog sa Kanya.  Importanteng-importante na sa pagdulog sa Diyos handa ang mag-asawang talikdan ang anumang maling nagawa nila't magbagong-buhay. Kung magagawa ito ng bawat mag-asawa, makakaasa tayong lalo pa nilang masasalamin ang pag-ibig ng Panginoon sa kanilang mga anak at sa sinumang makasalamuha nila. Babaha ng alak!
 
 

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP