Powered by Blogger.

Saturday, February 01, 2014

Paglahok sa Pulitika


Marumi. Masalimuot. Pangmayaman. Negosyo. Kamakamag-anak.  Ilan lang itong lumalarawan sa pulitika ng ating bansa.  Sariwa pa sa ating alaala ang iskandalong dulot ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF gayon din ang di pantay na pagpapamudmod ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.  

Madalas, tanggap na nating ganito ang kalagayan ng ating pulitika, na wala na tayong pag-asa pang bumangon, na kahit sino pa ang iluklok sa puwesto ay walang magagawa at kadalasa'y mababahiran pa ng kabulukan ng sistemang pulitikal ng bansa.

Subalit para sa ating mga Kristiyano, hindi ito ang panahon para mawalan tayo ng pag-asa. Hindi ito ang panahon para ipagkibit-balikat na lang natin ang sitwasyon ng ating lipunan. Hindi rin ito ang pagkakataon para ipaubaya na lang natin sa mga may pera, impluwensiya, o kapangyarihan ang pagsasaayos ng sistemang pulitikal.  Sang-ayon nga sa mga obispo ng Pilipinas, may mahalagang papel ang mga layko sa isyung ito.

Sa ganang amin, may apat na paraan kung saan maaaring makilahok ang mga layko:

Edukasyon.  May kapangyarihan tayong bumoto ng ating mga lider.  At dahil ito ay isang kapangyarihang bigay sa atin ng batas, mahalagang hindi natin ito ipagpalit sa kakaunting halaga lamang, sa tamis ng dila ng mga kumakandidato, o sa mga pananakot ng mga halang ang kaluluwa.  Kaya nga't importanteng mabigyan ng wastong edukasyon ang bawat mamamayan lalo na ang mga botante na maging mapanuri, maalam, at magkaroon ng kakayahang tumayo sa sarili nilang paa.

Kamalayang sosyal.  Mahalaga ding magkaroon tayo ng kamalayan sa mga nagaganap sa ating kapaligiran.  Gamitin natin nang wasto ang malayang pagpapahayag upang maging gising tayo sa tunay na nangyayari sa ating bansa, at gisingin din ang mga tulog o nagtutulug-tulugan nating mga kababayan - lider man sila o pangkarinawang mamamayan. At kung gising tayo, hindi tayo madadaig ng mga anumang pambobola't kasinungalingan ng iba.

Katarungan.  Ibigay natin sa iba ang nararapat.  Huwag tayong maging kasangkapan ng korupsyon sa bansa.  Huwag tayong magbigay ng lagay para lang mapabilis ang isang serbisyo publiko. At kung tayo naman ay nasa pamahalaan, huwag tayong tumanggap ng lagay para paburan ang isa laban sa marami pang dapat paglingkuran.  Manatili rin tayong mapagmasid sa anumang anomalyang nagaganap sa pamahalaan at magkaisa para masawata ito.

Pakikiisa sa mga kapus-palad.  Sang-ayon sa CBCP, ang sistemang pulitikal sa ating bansa ang siyang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran ng Pilipinas.  Sinabi rin nila na dahil sa pagiging sugapa ng mga nasa puwesto sa kapangyariha't salapi kung kaya patuloy na naghihirap ang maraming Pilipino.  Hindi tayo magiging mga kapanipaniwalang Kristiyano kung wala tayong puso para sa mga naghihirap.  Walang saysay ang ating pinaniniwalaan kung hindi tayo marunong tumayo laban sa pang-aapi't iba pang kasamaang dinaranas ni Mang Juan Pasang Krus.

Kung bibigyang-pansin natin ang apat na paraang ito, makasisiguro tayong magkakaroon ng higit na kakayahan ang mga layko para ilagay sa wasto't nararapat ang pulitika.  Maaaring sabihin ng ilan na isang suntok sa buwan ang pakikilahok ng layko sa magulong mundo ng pulitika.  Sa kanilang mga kasabayan, isang suntok sa buwan ang pagbabatikos ni Juan Bautista sa nangangalunyang Haring Herodes, ang paninindigan ni Thomas More laban sa imoral na Haring Enrique VIII, ang katotohanang isinasabuhay ni Jesus kontra sa mga ipokritong punong pari't matatanda ng bayan.  Gayunpaman, kinilala ng tatlong taong ito na ang ginagawa nila'y trabaho ng Diyos at sila'y pawang kasangkapan lamang.  Kaya nga't nanatili silang tapat hanggang sa huli.  Dumating ang panahong naging bahagi na lamang ng kasaysayan sina Herodes, Enrique VIII, at ang mga punong pari't matatanda ng bayan, subalit ang buhay at halimbawa nina Juan, Thomas, at Jesus ay patuloy pa ring inaalala't tinutularan ng marami.

Importanteng mabanggit na sina Juan, Thomas, at Jesus ay mga layko - si Juan ay isang propeta, si Thomas ay isang opisyal ng pamahalaan, at si Jesus ay isang karpinterong naging guro't manggagamot.  Hindi sila naiiba sa nakararami sa atin. Hindi sila naiiba sa mga kasalukuyang layko.  Sundan natin ang kanilang yapak.  Huwag tayong masiraan ng loob.


No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP