Powered by Blogger.

Saturday, March 07, 2015

Paningin ng Puso


Isa sa mga tampok na pangyayari sa Pilipinas kapag Marso ang pagtatapos.  Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, inaalala't ipinagdiriwang ang mga taon na nagsunog sila ng kilay, lumago bilang mga tao, at nagtamo ng karampatang gantimpala.  Sino sa atin ang makakalimot sa marami nating isinakripisyo, sa marami nating kasiyahan, sa marami nating natutuhan noong nag-aaral pa tayo?

Ang pagtatapos din ay pagkakataon para alalahani't pasalamatan ang mga magulang, guro, at iba pang may ginampanang mahalagang papel sa paghubog ng mga kabataan. Kukulangin siguro ang isang kuwaderno kung isusulat natin ang lahat ng kabutihang ginawa sa atin ng mga taong ito.

Isa ring tampok sa buwang ito ang pag-alala sa mga kababaihan.  Para sa mga magsisipagtapos, ang mga kababaihang ito ay ang kanilang mga ina, tiyahin, lola, kapatid, katulong, guro, katekista, madre, gabay tagapayo, duktora, nars, atbp. 

Sa Ebanghelyo ni San Lukas (10:38-42) matutunghayan natin sina Marta at Maria at kung paano nila inasikaso si Kristo.  Kung si Marta'y naging abala sa paghahanda ng pagkain para sa Panginoon, si Maria nama'y nanatiling nakikinig sa Kanya. Pag-aasikaso't pakikinig. Dalawang kilalang katangian ng mga kababaihan.  Halos lahat tayo'y nakalasap ng ganitong uri ng pangangalaga.  Ang sikreto sa mga katangiang ito, sang-ayon kay San Juan Pablo II, ay ang kakayahan ng mga babae na makita ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng kanilang puso.  

Sa kanyang pananalita noong 2007, binanggit ni Pope Emeritus Benedict XVI na magiging iba ang pag-unlad ng Kristiyanismo kung wala ang bukas palad na pagtulong ng maraming kababaihan.  Sinabi din niya na hindi katulad ng 12 alagad, hindi pinabayaan ng mga kababaihan ang Panginoon noong magpakasakit Siya sa krus.

Mula nang manungkulan si Pope Francis, natunghayan natin ang 'pagbabagong anyo' ng Simbahan bilang isang komunidad ng awa at habag.  Nakita rin natin ang kanyang pagkilala sa mga kababaihan. Bilang tanda nito, dinagdagan niya ang dami ng babaeng kasapi ng International Theological Commission, isang mahalagang lupon na tumutulong sa Papa sa mga isyung may kinalaman sa doktrina. Mula sa 2, mayroon na itong 7 babaeng kasapi. Kamakailan, inatasan ng Vatican si Sr. Mary Melone bilang unang babaeng rektor ng Pontifical University Antonianum sa Roma.  Mayroon ding 4 na babaeng kasapi ang Pontifical Commission for the Protection of Minors, isang bagong tatag na lupon na tutulong sa Papa hinggil sa pangangalaga sa mga bata laban sa pang-aabusong sekswal at pangangalaga sa mga biktima nito.

Sa pagpupugay natin sa mga kababaihan ngayong Marso, ipanalangin nating patuloy na makilala at mapahalagahan ang natatanging kontribusyon ng mga kababaihan sa buhay ng Simbahan. Sikapin din nating matuklasan kung paano natin makikita ang ating kapwa - lalo na ang mga mahihirap - sa pamamagitan ng ating mga puso. Kung magagawa natin ito, tiyak na walang kakapusin sa ating sambayanan (cf. Mga Gawa 4:34). 


No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP