Tanyag na debosyon sa ating mga Pinoy ang Divine Mercy o Mabathalang Awa. Kapag ikatlo ng hapon, isinasahimpapawid ang Three o'clock Prayer bilang pag-alala sa pagkamatay ni Jesus. Sa pag-alala sa kamatayan ng Panginoon, ipinagkakatiwala ng sinumang nagdarasal ang kanilang sarili at ang buong mundo sa awa ng Diyos, awang ibinuhos nang mamatay si Jesus sa krus.
Isang linggo mula nang alalahanin natin ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Mabathalang Awa. Natatangi ang taong ito dahil idinaraos din natin ang Taon ng Awa.
Ano ba ang kaligtaran ng awa? Ito ay walang iba kung hindi ang inggit. Maalalang inggit ang nag-udyok sa mga matatanda ng bayan para ipapatay si Kristo. Inggit rin ang nag-udyok kay Judas para ipagkanulo ang kanyang Guro't kaibigan. Inggit ang nagpakitid sa utak at nagpapayat ng puso ng mga taong gustung-gustong abutin ni Kristo. Kaya nga habang nakabuyabay sa krus, ihiningi ni Jesus ng kapatawaran ang mga sumalbahe sa Kanya dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.
Sa ating pamumuhay, posibleng narinig na natin ang ganitong kuwento:
"Naku, napromote na pala yung kasamahan natin bilang manager!"
Ano ang isasagot mo: "Naku, sipsip kasi kay Boss kaya napromote!" o "Wow! Deserving siyang mapromote!"?
Kung yung una, nainggit tayo sa pag-asenso ng ating kapwa. Kung yung pangalawa, tayo ay nagpakita ng awa o pag-ibig sa iba.
Marami pang halimbawa kung saan dinaig tayo ng inggit. Nakita nating may bagong gadget ang iba, bibili rin tayo ng mas hi-tech na gadget (kahit wala ito sa ating budget!). Nakita nating aktibung-aktibo sa simbahan o anumang pamayanan ang ating kasama, pero imbis na suportahan ay gagawan natin sila ng usap. Ayaw nating masasapawan tayo kaya gagawa at gagawa tayo ng paraan para hindi tayo mahigitan. Ganyan lumingkis ang inggit. At kung hindi natin ito masasawata, tiyak na sisirain nito ang ugnayan ng sinuman: magkakamag-anak man o magkakaibigan, magkakasama man magkababayan o magkakapatid sa pananampalataya.
Inggit ang dahilan kung bakit inakit ni Satanas sina Eba't Adan para magkasala. Ngunit sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, tinubos ni Kristo sina Eba't Adan at tayong lahat na nagmana ng kanilang kasalanan. Sa madaling salita, nilupig na ng awa ng Diyos ang inggit ni Satanas! Tumalab na ba ito sa atin?

No comments:
Post a Comment