Powered by Blogger.

Sunday, May 08, 2016

Malasakit sa Inang Bayan



Itinakda ng ating Saligang Batas ang ikalawang Lunes ng Mayo ng bawat ika-anim na taon bilang halalan sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng Pilipinas. Isinasagawa rin sa ganitong araw, subalit sa bawat ikatlong taon, ang halalan sa pagkamambabatas (Senado man o Kongreso) o lokal na pamahalaan.

Mapupuna na tuwing bisperas ng eleksyon, ipinagdiriwang natin ang Araw ng mga Ina.  Isang magandang "pahinga" sa lahat - lalo na sa mga ina - mula sa ingay, iringan, at init ng halalan.

Likas na makaina ang mga Pinoy. Sinasabing bagama't ang ama ang siyang hari ng pamilya, ang ina ang siyang nangangasiwa dito - mula sa pagkain hanggang sa kasuotan, mula sa kung magkano ang babaunin ng mga anak hanggang sa magkano ang iipunin para sa kanilang pagtatapos, atbp.

Sa ating paniniwalang Kristiyano, isa sa mga utos ng Diyos ang paggalang sa mga magulang.  Sinasabi din sa Banal na Kasulatan na sinumang gumagalang sa kanyang ina ay nag-iipon ng kayamanan (Ecclesiasticus 3:4).

Bukod sa sarili nating mga ina, itinuturing din nating ina ang ating bansa.  At kung paano natin iginagalang ang ating mga ina, iginagalang din natin ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas, pagbayad ng buwis, atbp. 

Ang paggalang sa ina ay hindi nagtatapos dito. Sa oras na sila ay tumanda na't naging mahina, tungkulin naman nating pangalagaan sila.  Kaya nga pangkaraniwan na sa atin ang mga tahanang nakapisan ang mga matatandang magulang sa kanilang mga anak.

Ang Pilipinas, bilang isang ina, ay maituturing nating matanda't mahina na sa maraming suliraning kanyang kinakaharap: kahirapan, korupsyon, kawalan ng katarungan, kawalan ng trabaho, atbp.  Nasa kamay na ng mga botante kung paano nila pangangalagaan ang Inang Bayan. Ipagkakatiwala ba nila ito sa mga karapat-dapat na kandidato o ipagwawalang bahala na lang sa mga kandidatong "Tiyan muna bago bayan" ang prinsipyo?

Nitong mga huling buwan mula nang magsimula ang kampanya, nasaksihan natin kung gaano naging watak-watak ang ating bansa. Kagaya ng ating mga ina, masakit sa Inang Bayang makita ang kanyang mga anak na nagkakanya-kanya.  Harinawa, pagkatapos ng eleksyon muling magkaisa ang magkakamag-anak, magkakapit-bahay, magkababayan.  Harinawa, manguna sa pagkakaisa ng bansa ang sinumang manalo. 

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP