Nabuhayan ng loob ang maraming deboto ng Our Lady Mediatrix of All Grace nang ipahayag ni Archbishop Ramon Arguelles ng Lipa noong Setyembre 2015 na karapat-dapat paniwalaan ang pagpapakita ng Mahal na Birhen kay Teresita "Teresing" Castillo sa Carmelite Monastery sa Lipa noong 1948.
Naging tanyag ang sinasabing pagpapakita ni Maria kay Teresing sa pag-ambon ng mga talulot ng rosas. Pinaniwalaan ang pagpapakitang ito nina Msgr. Alfredo Verzosa at Msgr. Alfredo Obviar, Obispo at Katuwang na Obispo ng Lipa noong panahong iyon. Subalit nang ito'y imbestigahan ng anim na Pilipinong obispo noong 1951, ipinahayag nilang hindi totoo ang mga pagpapakitang ito. Bunsod ng imbestigasyon, inutusan ang mga madre ng monasteryo na sunugin ang mga aklat, talulot ng rosas, at iba pang paraphernalia na may kinalaman sa sinasabing pagpapakita. Ipinapasunog din sa kanila ang rebulto ng Mahal na Ina subalit itinago na lamang nila ito. Bukod dito, tinanggal sa panunungkulan sina Verzosa at Obviar.
Taong 1990 nang payagan ni Archbishop Mariano Gaviola na muling itanghal ang rebulto ng Mahal na Ina. Muling umigting ang debosyon ng mga tao sa Our Lady Mediatrix of All Grace. Lalo pang sumigla ang debosyon sa suportang ipinagkaloob ni Archbishop Arguelles. Subalit tila binuhusan ng malamig na tubig ang lumalagablab na debosyon sa Lipa (at sa ibang bahagi ng Pilipinas) nang makatanggap ng sulat si Arguelles mula sa Congregation for the Doctrine of the Faith (CDF) sa Vatican. Sang-ayon sa liham ni Cardinal Gerhard Muller, Prefect ng CDF,, binabaligtad ng CDF ang pahayag ni Arguelles noong 2015. Inulit ni Muller na ipinahayag na noon ni Pope Pius XII na walang naganap na himala sa Lipa. Pinayuhan din ni Muller na ipatigil na ang anumang pag-aaral kaugnay ng aparisyon ni Maria. Nang kapanayamin si Arguelles, sinabi niyang susunod siya sa utos ng Simbahan, subalit ipagpapatuloy pa rin ang debosyon sa Mahal na Birhen.
Sang-ayon kami sa desisyon ni Arguelles na sundin ang utos ng nakatataas. Anumang sinasabing pagpapakita o kababalaghang ginawa diumano ng Panginoon o ng mga banal ay nangangailangan ng maingat na imbestigasyon. Nakakalungkot lamang isiping sa kabila ng pagsisikap at pag-aaral na ginawa nina Gaviola at Arguelles, nananatiling sarado ang isip ng CDF at ang tanging dahilan ay ang desisyon ng dating papa. May mga nagsasabing walang dokumentong nagpapatunay ng desisyon ni Pope Pius XII. Gayunpaman, kung ang hatol ng Simbahan laban kay Galileo noong ika-15 siglo ay binago ni Pope John Paul II noong 1992, siguradong anumang naging desisyon noon ay posibleng mabago, matapos ang masusing pag-aaral. Harinawa, gumawa ng hakbang si Arguelles, at mga kapwa obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, na umapila sa CDF, o kung maaari, kay Pope Francis.
Samantala, hindi ito ang panahon para masiraan ng loob ang sinumang may debosyon sa Our Lady Mediatrix of All Grace. Ito ang panahon para ipakita nating nagmamahal tayo kay Maria. Ito ang panahon para ipakita nating tinutularan natin si Maria: mapagkumbaba, mapagkawanggawa, masunurin, matuwid, bukas ang puso sa biyaya ng Diyos. Kung magagawa natin ito, mayroong himala!

No comments:
Post a Comment