Powered by Blogger.
Showing posts with label St John Paul II. Show all posts
Showing posts with label St John Paul II. Show all posts

Friday, September 01, 2017

Walang Atrasan



Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos. At dahil ito ay pakikipagtalastasan natin sa Maykapal (at sa mga anghel at mga banal), mahalagang maipapahayag ang anumang ipinagdarasal sa wikang ating ginagamit at naiintindihan. Ang Misa ang siyang pinakamataas na anyo ng panalangin. Napakasuwerte natin na sa panahon ngayon, ang Misa ay isinasagawa sa wikang ating nauunawaan.  

Sinasabing ang unang wika na ginamit sa Misa ay Arameo dahil ito ang pangkaraniwang wikang ginamit ni Jesus at ng mga unang Kristiyano – ang mga Hudyo sa Palestina. Nang kumalat ang Kristiyanismo sa ibang bahagi ng mundo, ipinagdiwang ang Misa sa iba’t ibang wika gaya ng Griyego, Koptiko, Syriac, at Armenian. Noon lamang ika-anim na siglo nagsimulang ipagdiwang ang Misa sa wikang Latin. Nagbago lamang ito nang maganap ang Ikalawang Konsilyo Batikano noong dekada 60 kung saan ipinatupad ni Pope Paul VI ang Sacrosanctum Concilium noong ika-apat ng Disyembre 1963. 

Ang Sacrosanctum Concilium ang saligang-batas hinggil sa banal na liturhiya (Misa). Isa sa mga pangunahing isyu na isinaalangalang ng konsilyo ay ang pagpapanibago ng liturhiya dahil, sang-ayon sa mga obispong lumahok sa konsilyo, mahalagang magkaroon ng mas malaking pakikilahok ang mga layko sa banal na pagdiriwang. Kung noong wikang Latin pa ang Misa (mas kilala bilang Tridentine Mass), ang altar ay nakaharap sa silangan ng simbahan, ang pari ay nakatalikod sa mga tao, at ang wika ay banyaga sa mga nagsisimba. Sa pagbabago ng liturhiya, hinikayat ang mga layko na makiisa sa pamamagitan ng mga awitin, antipona, pagtugon, aklamasyon, atbp. Bukod dito, nakaharap na sa tao ang pari kapag may Misa.

Subalit hindi lahat ng Katoliko ay natuwa. Pangunahin na dito ang yumaong Archbishop Marcel Lefebvre na tumangging ipatupad ang mga pagbabagong isinusulong ng Ikalawang Konsilyo Batikano.  Inekskomunika ni San Juan Pablo II si Lefebvre noong 1988. Patuloy pa ring ipinagdiriwang ng Society of St Pius X (ang samahang kanyang itinatag) ang Tridentine Mass. Hanggang ngayon, nakahiwalay pa rin sa Simbahang Katoliko ang samahan ni Lefebvre.

Samantala, naglabas ng kautusan si Pope Benedict XVI noong 2007 kung saan pinalawak niya ang pagdiriwang ng Tridentine Mass. Bago inilabas ang kautusang ito, limitado at kinakailangang humingi ng pahintulot ng obispo ang sinumang pari o samahang nais ipagdiwang ang lumang anyo ng Misa.  Sa ginawa ng dating Papa, sang-ayon sa ilang komentarista, lalo pang lumala ang hidwaan sa pagitan ng mga pumapabor sa Tridentine Mass at sa mga sumusuporta sa Ikalawang Konsilyo Batikano.

May iba pang mga obispong nagpakita ng tunay nilang kulay hinggil sa Tridentine Mass kagaya nina Cardinal Robert Sarah na hinikayat ang mga paring nagkakatipon sa isang panayam sa London noong 2016 na magmisang nakatalikod sa taumbayan at Cardinal Raymond Burke na sumasalungat sa pagkakaroon ng mga babaeng sakristan sa Misa.

Ang kontrobersyal na bagong salin na Misa sa wikang Ingles ay kinikilalang hakbang ng iilang maimpluwensiya sa ating Simbahan para ibalik ang dati; isang reform of the reform kung baga.

Sa kanyang talumpati sa National Italian Liturgical Week, pinagtibay ni Pope Francis - nang may katiyakan at sa bisa ng kanyang kapangyarihan bilang tagapagturo ng Simbahan - na ang pagbabago sa liturhiya ay wala nang atrasan. Ito na ang maituturing na unang pagkakataong ipinahayag ng Papa ang kanyang saloobin tungkol sa pagbabagong liturhikal na isinusulong ng Pangalawang Konsilyo Batikano. 

Bago pa man ang talumpating ito, may ilang hakbang nang ginawa ang Papa. Una, naglabas ng klaripikasyon ang Vatican Office na magpapatuloy pa rin ang pagmimisa ng pari na nakaharap sa tao, taliwas sa paghihikayat ni Cardinal Sarah. Pangalawa, ang pagbalasa sa mga obispong kasapi ng Congregation for the Divine Worship, ang kagawaran sa Roma na nangangasiwa sa liturhiya. Pangatlo, ang pagbuo ng komite na magsusuri sa Liturgicam Authenticam, ang kontrobersyal na dokumento sa likod ng kasalukuyang Misa sa Ingles. 

Sinusuportahan namin ang pahayag at mga pagkilos ng Santo Papa. Tama na ang liturgical wars. Panahon na para patuloy na isulong ang adhikain ng Vatican II. Panahon na para makilala natin, sang-ayon kay Pope Francis, na “ang liturhiya ay buhay at hindi ideyang kailangang unawain... isang bukal ng buhay at liwanag para sa ating paglalakbay bilang mananampalataya.”

Saturday, June 04, 2016

Walang Himala?


Nabuhayan ng loob ang maraming deboto ng Our Lady Mediatrix of All Grace nang ipahayag ni Archbishop Ramon Arguelles ng Lipa noong Setyembre 2015 na karapat-dapat paniwalaan ang pagpapakita ng Mahal na Birhen kay Teresita "Teresing" Castillo sa Carmelite Monastery sa Lipa noong 1948.  

Naging tanyag ang sinasabing pagpapakita ni Maria kay Teresing sa pag-ambon ng mga talulot ng rosas. Pinaniwalaan ang pagpapakitang ito nina Msgr. Alfredo Verzosa at Msgr. Alfredo Obviar, Obispo at Katuwang na Obispo ng Lipa noong panahong iyon. Subalit nang ito'y imbestigahan ng anim na Pilipinong obispo noong 1951, ipinahayag nilang hindi totoo ang mga pagpapakitang ito. Bunsod ng imbestigasyon, inutusan ang mga madre ng monasteryo na sunugin ang mga aklat, talulot ng rosas, at iba pang paraphernalia na may kinalaman sa sinasabing pagpapakita. Ipinapasunog din sa kanila ang rebulto ng Mahal na Ina subalit itinago na lamang nila ito. Bukod dito, tinanggal sa panunungkulan sina Verzosa at Obviar. 

Taong 1990 nang payagan ni Archbishop Mariano Gaviola na muling itanghal ang rebulto ng Mahal na Ina. Muling umigting ang debosyon ng mga tao sa Our Lady Mediatrix of All Grace.  Lalo pang sumigla ang debosyon sa suportang ipinagkaloob ni Archbishop Arguelles. Subalit tila binuhusan ng malamig na tubig ang lumalagablab na debosyon sa Lipa (at sa ibang bahagi ng Pilipinas) nang makatanggap ng sulat si Arguelles mula sa Congregation for the Doctrine of the Faith (CDF) sa Vatican. Sang-ayon sa liham ni Cardinal Gerhard Muller, Prefect ng CDF,, binabaligtad ng CDF ang pahayag ni Arguelles noong 2015. Inulit ni Muller na ipinahayag na noon ni Pope Pius XII na walang naganap na himala sa Lipa. Pinayuhan din ni Muller na ipatigil na ang anumang pag-aaral kaugnay ng aparisyon ni Maria. Nang kapanayamin si Arguelles, sinabi niyang susunod siya sa utos ng Simbahan, subalit ipagpapatuloy pa rin ang debosyon sa Mahal na Birhen. 

Sang-ayon kami sa desisyon ni Arguelles na sundin ang utos ng nakatataas. Anumang sinasabing pagpapakita o kababalaghang ginawa diumano ng Panginoon o ng mga banal ay nangangailangan ng maingat na imbestigasyon. Nakakalungkot lamang isiping sa kabila ng pagsisikap at pag-aaral na ginawa nina Gaviola at Arguelles, nananatiling sarado ang isip ng CDF at ang tanging dahilan ay ang desisyon ng dating papa. May mga nagsasabing walang dokumentong nagpapatunay ng desisyon ni Pope Pius XII. Gayunpaman, kung ang hatol ng Simbahan laban kay Galileo noong ika-15 siglo ay binago ni Pope John Paul II noong 1992, siguradong anumang naging desisyon noon ay posibleng mabago, matapos ang masusing pag-aaral. Harinawa, gumawa ng hakbang si Arguelles, at mga kapwa obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, na umapila sa CDF, o kung maaari, kay Pope Francis.  

Samantala, hindi ito ang panahon para masiraan ng loob ang sinumang may debosyon sa Our Lady Mediatrix of All Grace.  Ito ang panahon para ipakita nating nagmamahal tayo kay Maria. Ito ang panahon para ipakita nating tinutularan natin si Maria: mapagkumbaba, mapagkawanggawa, masunurin, matuwid, bukas ang puso sa biyaya ng Diyos. Kung magagawa natin ito, mayroong himala!


  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP