Powered by Blogger.

Friday, September 01, 2017

Walang Atrasan



Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos. At dahil ito ay pakikipagtalastasan natin sa Maykapal (at sa mga anghel at mga banal), mahalagang maipapahayag ang anumang ipinagdarasal sa wikang ating ginagamit at naiintindihan. Ang Misa ang siyang pinakamataas na anyo ng panalangin. Napakasuwerte natin na sa panahon ngayon, ang Misa ay isinasagawa sa wikang ating nauunawaan.  

Sinasabing ang unang wika na ginamit sa Misa ay Arameo dahil ito ang pangkaraniwang wikang ginamit ni Jesus at ng mga unang Kristiyano – ang mga Hudyo sa Palestina. Nang kumalat ang Kristiyanismo sa ibang bahagi ng mundo, ipinagdiwang ang Misa sa iba’t ibang wika gaya ng Griyego, Koptiko, Syriac, at Armenian. Noon lamang ika-anim na siglo nagsimulang ipagdiwang ang Misa sa wikang Latin. Nagbago lamang ito nang maganap ang Ikalawang Konsilyo Batikano noong dekada 60 kung saan ipinatupad ni Pope Paul VI ang Sacrosanctum Concilium noong ika-apat ng Disyembre 1963. 

Ang Sacrosanctum Concilium ang saligang-batas hinggil sa banal na liturhiya (Misa). Isa sa mga pangunahing isyu na isinaalangalang ng konsilyo ay ang pagpapanibago ng liturhiya dahil, sang-ayon sa mga obispong lumahok sa konsilyo, mahalagang magkaroon ng mas malaking pakikilahok ang mga layko sa banal na pagdiriwang. Kung noong wikang Latin pa ang Misa (mas kilala bilang Tridentine Mass), ang altar ay nakaharap sa silangan ng simbahan, ang pari ay nakatalikod sa mga tao, at ang wika ay banyaga sa mga nagsisimba. Sa pagbabago ng liturhiya, hinikayat ang mga layko na makiisa sa pamamagitan ng mga awitin, antipona, pagtugon, aklamasyon, atbp. Bukod dito, nakaharap na sa tao ang pari kapag may Misa.

Subalit hindi lahat ng Katoliko ay natuwa. Pangunahin na dito ang yumaong Archbishop Marcel Lefebvre na tumangging ipatupad ang mga pagbabagong isinusulong ng Ikalawang Konsilyo Batikano.  Inekskomunika ni San Juan Pablo II si Lefebvre noong 1988. Patuloy pa ring ipinagdiriwang ng Society of St Pius X (ang samahang kanyang itinatag) ang Tridentine Mass. Hanggang ngayon, nakahiwalay pa rin sa Simbahang Katoliko ang samahan ni Lefebvre.

Samantala, naglabas ng kautusan si Pope Benedict XVI noong 2007 kung saan pinalawak niya ang pagdiriwang ng Tridentine Mass. Bago inilabas ang kautusang ito, limitado at kinakailangang humingi ng pahintulot ng obispo ang sinumang pari o samahang nais ipagdiwang ang lumang anyo ng Misa.  Sa ginawa ng dating Papa, sang-ayon sa ilang komentarista, lalo pang lumala ang hidwaan sa pagitan ng mga pumapabor sa Tridentine Mass at sa mga sumusuporta sa Ikalawang Konsilyo Batikano.

May iba pang mga obispong nagpakita ng tunay nilang kulay hinggil sa Tridentine Mass kagaya nina Cardinal Robert Sarah na hinikayat ang mga paring nagkakatipon sa isang panayam sa London noong 2016 na magmisang nakatalikod sa taumbayan at Cardinal Raymond Burke na sumasalungat sa pagkakaroon ng mga babaeng sakristan sa Misa.

Ang kontrobersyal na bagong salin na Misa sa wikang Ingles ay kinikilalang hakbang ng iilang maimpluwensiya sa ating Simbahan para ibalik ang dati; isang reform of the reform kung baga.

Sa kanyang talumpati sa National Italian Liturgical Week, pinagtibay ni Pope Francis - nang may katiyakan at sa bisa ng kanyang kapangyarihan bilang tagapagturo ng Simbahan - na ang pagbabago sa liturhiya ay wala nang atrasan. Ito na ang maituturing na unang pagkakataong ipinahayag ng Papa ang kanyang saloobin tungkol sa pagbabagong liturhikal na isinusulong ng Pangalawang Konsilyo Batikano. 

Bago pa man ang talumpating ito, may ilang hakbang nang ginawa ang Papa. Una, naglabas ng klaripikasyon ang Vatican Office na magpapatuloy pa rin ang pagmimisa ng pari na nakaharap sa tao, taliwas sa paghihikayat ni Cardinal Sarah. Pangalawa, ang pagbalasa sa mga obispong kasapi ng Congregation for the Divine Worship, ang kagawaran sa Roma na nangangasiwa sa liturhiya. Pangatlo, ang pagbuo ng komite na magsusuri sa Liturgicam Authenticam, ang kontrobersyal na dokumento sa likod ng kasalukuyang Misa sa Ingles. 

Sinusuportahan namin ang pahayag at mga pagkilos ng Santo Papa. Tama na ang liturgical wars. Panahon na para patuloy na isulong ang adhikain ng Vatican II. Panahon na para makilala natin, sang-ayon kay Pope Francis, na “ang liturhiya ay buhay at hindi ideyang kailangang unawain... isang bukal ng buhay at liwanag para sa ating paglalakbay bilang mananampalataya.”

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP