Powered by Blogger.

Tuesday, August 22, 2017

Bajo la Campana



Noong panahon ng mga Kastila, sang-ayon sa istoryador na si Ambeth Ocampo, naging mabisang kasangkapan ang mga kampana ng simbahan upang anyayahan ang mga mamamayan na manalangin, ipahayag ang mahahalagang okasyon gaya ng binyag, kasal, o kamatayan, at magbabala kung may mga panganib gaya ng sunog o pagsalakay ng mga pirata.  Ganoon kabisa ang mga kampana kung kaya tinagurian ang mga sinaunang Pilipino na naninirahan bajo la campana (sa ilalim ng kampana). Sa makabagong panahon, lalo na sa mga lungsod, hindi na masyadong ginagamit ang mga kampana maliban sa mga relihiyosong gawain.  

Noong Linggo, iniutos ni Archbishop Socrates Villegas na patugtugin "ang lahat ng kampana sa lahat ng simbahan (sa Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan)...simula alas otso ng gabi sa loob ng kinse minutos nang tuloy tuloy." mula ika-22 ng Agosto hanggang ika-27 ng Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Bunsod ito ng pagkadismaya ni Villegas sa kaguluhang nagaganap sa bansa sa gitna ng kabikabilang pagpatay na ipinapatupad ng pamahalaan bilang bahagi ng laban nito sa droga. Idinaing rin ng butihing arsobispo ang kawalan ng simpatiya ng taumbayan sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs): "Bakit kakarampot na lamang ang kababayang naaawa sa mga ulila? Hindi na ba tayo marunong umiyak? Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa?" 

At dahil wala na ngang simpatiya ay sinisisi pa ng mga sumasang-ayon sa EJKs ang mga biktima. Sang-ayon kay Villegas: "Ang gulo ng bayan! Ang opisyal na pumatay ay may parangal. Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila 'Nanlaban kasi.' Hindi na nila masabi 'Nagmakaawa po ako hindi ako lumaban!'" 

Ano ang layon ng pagbagting ng mga kampana? "Ang bagting ng kampana ay tawag ng paggising sa bayang hindi na marunong makiramay sa ulila, nakalimutan ng makiramay at duwag na magalit sa kasamaan. Ang tunog ng kampana ay tawag na ihinto ang pagsangayon sa patayan!" 

Puno ng emosyon ang lihamm ni Villegas. Samantala, naglabas ng hiwalay na liham si Cardinal Luis Antonio Tagle kung saan nag-alay siya ng mas malalim at mga kongkretong hakbang tungkol sa isyu ng bawal na droga. Una, nanawagan si Tagle na magkaroon ng diyalogo ang sari-saring bahagi ng lipunantungo sa pagbabalangkas ng karaniwang landas kung paano malulutas ang problema sa bawal na droga. Sang-ayon kami kay Tagle na hindi dapat na ituring na isyung politikal o kriminal lamang ang problemang ito dahil apektado tayong lahat nito. Ang alok ni Tagle na magsilbing tagapag-ugnay ang Arkidiyosesis ng Maynila sa pag-uusap na ito ay dapat suportahan.

Pangalawa, iminungkahi ng kardenal na pakinggan natin ang kuwento ng mga naapektuhan ng bawal na gamot.  Ang paanyayang makipag-ugnayan ang mga kinauukulan sa kanilang mga kura-paroko, gayon din ang pagkatok sa puso ng mga gumagawa at nagbebenta ng mga bawal na gamot pati na rin sa mga pumapatay ng mga inosenteng mamamayan ay tanda ng pag-aaruga ng Simbahan sa kanyang mga anak. 

Pangatlo, ang paglupig sa kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan (Taga-Roma 12:21). Kinilala ni Tagle ang mga kabataan, mahihirap, at walang hanap-buhay bilang mga madaling maaapektuhan ng pagkalulong sa bawal na gamot.  Kung kaya hinikayat niyang isulong ng mga parokya at bikaryato ang Sanlakbay, ang drug rehabilitation program ng arkidiyosesis.

Sa ating editoryal noong isang linggo, sinabi natin na ang pusong Pinoy ay pusong "may Diyos na kinatatakutan, may kapwang pinagmamalasakitan".  Sa gitna ng masalimuot na isyu ng bawal na gamot sa ating bansa, masasabi ba nating ganito ang ating puso? Ang ating pagtugon sa pagbagting ng kampana at ang ating malawak at malalim na pagninilay sa isyu ng bawal na gamot ang magiging sukatan nito.


No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP