Sandaang taon na ang nakakalipas nang magpakita ang Mahal na Birheng Maria kina San Francisco Marto, Santa Jacinta Marto, at Lucia dos Santos sa Fatima, Portugal. Kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig noon. Anim na beses na nagpakita ang Mahal na Ina sa tatlong batang pastol, tuwing ika-13 ng buwan, mula Mayo hanggang Oktubre 1917. May tatlong mahalagang paksa ang mensahe ng Birhen: pagbabago ng puso, pagsasakripisyo, at pagdarasal ng Rosaryo.
Para sa sinumang nais sumunod sa landas ni Kristo, mahalaga ang magbago ng puso, ang magsisi sa kasalanan at sumampalataya sa Mabuting Balita (Marcos 1:15). Sa pagpapakita ni Maria sa Fatima, hiniling niya ang pagdedebosyon sa kanyang Kalinislinisang Puso. Sa puso ni Maria, matatagpuan natin ang pusong tumatalima sa kalooban ng Diyos. Sang-ayon kay Cardinal Vincent Nichols ng Westminster, ang debosyon sa Kalinislinisang Puso ni Maria ay isang paraan para umoo rin tayo sa pusong kagaya ni Maria upang makapagbukas tayo ng mga sariwa at tiyak na daraanan patungo kay Kristo.
Mahalaga ring gumawa tayo ng mga sakripisyo bilang tanda ng ating pagbabagong-puso at pagbabayad-puri hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi sa sala ng buong mundo - mga pagkakamaling labis na nakasakit sa mapagmahal nating Diyos. Ang pamumuhay nang payak, ang paglimita sa paggamit ng social media, ang pag-iwas sa bisyo, at ang tahimik at mapayapang pagharap sa anumang suliranin ay ilan lamang halimbawang aming maimumungkahi.
Hindi madaling magbagong-buhay. May mga pagkakataong madarapa tayong muli sa lusak ng ating mga kasalanan. Ang pagbabagong-buhay ay panghabang-buhay. Alam ito ng Mahal na Birhen kaya pinangangaralan niya tayong dasalin ang Rosaryo araw-araw. Sa Rosaryo, matutunghayan natin ang naging buhay ni Maria kaisa ng Panginoong Jesus. Sa Rosaryo, nakikiisa tayo sa pagpupugay ni Arkanghel Gabriel: Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Sa Pilipinas, mas kilala ang Block Rosary devotion bilang Fatima dahil ang debosyong ito marahil ay tugon sa panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Mapupuna ring ang rebulto ng Birhen ng Fatima ang pangkaraniwang rebultong ipinapanhik sa bahay-bahay.
Sa kanyang ikatlong pagpapakita sa Fatima noong ika-13 ng Hulyo 1917, sinabi ni Maria na balang-araw magtatagumpay ang kanyang Kalinislinisang Puso. Bilang kanyang mga anak, anong maiaambag natin para matupad ito?

No comments:
Post a Comment