Sa kanyang mensahe sa ika-51 pagdiriwang ng World Communications Day, binanggit ni Pope Francis na inihambing ng mga unang Kristiyano ang pag-iisip sa isang gilingan. Kung paanong nakasalalay sa manggigiling kung mabuting trigo o masamang damo ang kanyang igigiling, gayon din nakasalalay sa atin kung anong klaseng impormasyon o balita ang nais nating ipasok sa ating pag-iisip.
Bago Siya umakyat sa langit, iniutos ni Kristo sa Kanyang mga alaga na humayo't ipahayag ang mabuting balita. Sang-ayon pa rin sa mensahe ni Pope Francis, ang mabuting balitang ito ay walang iba kundi si Kristo. Nilinaw ng Santo Papa na ang mabuting balita ay mabuti hindi dahil sa wala itong kinalaman sa pagpapakasakit, kundi sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Jesus ipinakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa Ama at sa sanlibutan. Kay Kristo, ipinadama ng Diyos na kaisa Siya sa anumang kalagayan nating mga tao, na hindi tayo nag-iisa. Sa madaling salita, kasama natin si Kristo hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20).
Puno ng hamon ang daang tatahakin natin. Kung noon ang katunggali ng mabuting balita ay masamang balita, nadagdagan pa ito ngayon ng paglaganap ng fake news. Nakakabahala ang fake news dahil bukod sa maling impormasyong dala nito, madali din itong kumakalat dahil sa maunlad na teknolohiya.
Bagama't tila nilisan ng Panginoon ang mga alagad nang umakyat Siya sa langit, ipinangako naman Niya ang Banal na Espiritu upang palakasin sila sa kanilang misyon. Handog ng Banal na Espiritu ang pag-asa na balang araw makakarating din tayo sa langit, na balang-araw makakapiling din natin ang Diyos. Habang pinananabikan natin ang araw na iyon, buong pagtitiwala nating ipahayag ang mabuting balita sa lahat: sa mga pinanghihinaan ng pananampalataya dahil sa bad news, sa mga naliligaw ng landas dahil nalinlang sila ng fake news, at sa mga hindi pa nakakakilala sa good news.

No comments:
Post a Comment