Kung mayroon mang salitang nakaugnay sa mga ama, ito ay walang iba kung hindi ang salitang buhay. Nakagisnan na ng lipunan na ang ama ang naghahanap-buhay para maitaguyod niya ang kanyang pamilya. Sa pagbabanat ng buto ng mga ama, makatitiyak na may panustos sa anumang gastusin, may pangmatrikula ang mga anak, at may pagkain sa hapag.
Bahagi ng paniniwala natin na ang tungkulin ng ama na magbigay-buhay sa kanyang pamilya ay sumasalamin sa papel ng Diyos bilang Amang bukal ng Buhay. Sa pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak, nagkaroon ng pag-asa ang sinumang maniniwala kay Jesus na magkaroon ng buhay, buhay na walang hanggan.
Sa Kanyang pagkakatawang-tao at pagiging bahagi ng pamilya nina Jose at Maria, nakita at naranasan ni Jesus kung paano Siya binuhay ni Jose. Tiyak na nasaksihan niya ang pagtatrabaho ni Jose, ang mga hirap na dinanas nito sa paghahanap-buhay, ang mga pag-uusap nina Jose at Maria kung paano pagkakasyahin ang kinita ni Jose, ang pamimili at paghahain ng masarap na pagkain ni Maria sa hapag para kanilang pagsaluhan.
Sa mga halimbawang ito, nabuo sa isip ng batang si Jesus ang mga aral na Kanyang gagamitin nang simulan na Niya ang Kanyang pagpapahayag sa madla. Hindi katakataka na ipakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Tinapay na nagbibigay-buhay!
Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo at Araw ng mga Ama sa ika-18 ng Hunyo, magpasalamat tayo sa Ama dahil ibinigay Niya sa atin si Jesus bilang pagkaing kailangan natin patungo sa Kanya. Magpasalamat din tayo sa mga amang naglaan ng kanilang buhay upang tayo ay mabuhay. Ipanalangin din natin na manatili silang tapat sa kanilang bokasyon na maitaguyod ang kanilang pamilya bilang mga kalugud-lugod na kasapi ng sambayanan.

No comments:
Post a Comment