Powered by Blogger.
Showing posts with label pagpapatawad. Show all posts
Showing posts with label pagpapatawad. Show all posts

Thursday, July 12, 2012

Ating Kapayapaan at Pakikipagkasundo

 
Sa Litanya sa Mahal na Puso ni Jesus, kinikilala ng mga deboto ang puso ng Panginoon bilang ating kapayapaan at pakikipagkasundo. Maraming beses nang itinuro sa atin ng Simbahan na makakamit lamang natin ang kapayapaan hindi sa pamamagitan ng armas o dahas kundi sa pamamagitan ng pag-ibig. Hindi nga ba’t may kasabihan tayong “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay”?


Tila mabigat ang hinihiling sa atin ng Diyos na gumanti ng tama sa maling nagawa sa atin. Mukhang marami pa tayong bigas na kakainin bago natin mapatawad at makipagkasundo sa sinuman nakasakit sa atin.

Subalit mabibigla ka sa mga ordinaryong tao gaya nina Rita de Casia at Maria Goretti na nagpatawad sa mga may atraso sa kanila. Pinaslang ang asawa ni Rita bunsod ng hidwaan sa dalawang pamilya. At kahit uso noon ang paghihiganti, hindi ito ang tinahak niyang daan. Pinatawad niya ang mga salarin at naging susi pa siya sa pagkakasundo ng dalawang angkan. Nakapamuhay si Rita nang mapayapa magbuhat noon.

Ang dalagitang si Maria ay pinagsasasaksak ng isang nakatatandang binata dahil ayaw niyang mapagsamantalahan. Pinatawad ni Maria ang may sala at yumao siyang mapayapa.

Hindi rin lingid sa atin ang pagbaril kay Pope John Paul II noong dekada 80 na halos ikamatay niya.  Matapos gumaling, dinalaw pa niya ang teroristang bumaril sa kanya. Makikita sa aura ng Banal na Papa ang kapayapaan, isang katangiang dinala niya sa kabila ng kanyang karamdaman hanggang sa malagutan siya ng hininga.

Sa mga saglit na parang kay hirap magpatawad, kay bigat na iabot ang ating kamay sa ating mga kaaway, alalahanin natin ang istorya nina Rita, Maria, at John Paul. Di natin magawa? Huwag nating sarilinin ang problema! Dumulog tayo kay Jesus na pawang kabutihan ang ipinadama’t ipinagkaloob sa sinuman.

Puso ni Jesus, aming kapayapaan at pakikipagkasundo, maawa Ka sa amin!

Tuesday, February 01, 2011

Pusong Mapagpatawad


Sa ating pagdarasal ng “Ama Namin”, binibigkas natin: “patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad naming sa nagkakasala sa amin…” Dalawang katotohanan ang ipinapahiwatig sa atin ng mga katagang ito. Una, na tayo ay nagkakamali at nangangailangan ng kapatawaran. Pangalawa, sa paghingi natin ng tawad sa Diyos dapat din tayong magpatawad sa sinumang nakasakit sa atin.

Sa kanyang pangangaral sa Siete Palabras maraming taon na ang nakakalipas, idinaing ni P. Rolando De la Rosa, OP na mas maraming tao ang pumipila para tumanggap ng Komunyon kaysa mangumpisal sa pari. Ang dahilan diumano ay ang kawalan na natin ng “sense of sin”. Nawala na sa atin ang kakayahang kilalanin kung kasalanan ba o hindi ang ating ginagawa. Tanggap na ng lipunan ang pagsasama ng isang lalaki’t babae na hindi pa ikinakasal o ang suhulan sa gobyerno. Di na natin binibigyang-pahalaga ang sasabihin ng iba basta maligaya tayo sa ginagawa nating mali!

Ginagatungan ng ganitong klase ng pamumuhay ang pagmamataas ng tao sa Diyos. Ang kayabangang ito ang magiging balakid para kilalanin natin ang ating pagkakamali’t magbalik-loob sa Diyos. At dahil hindi tayo marunong humingi ng tawad ang ating mga sala, imposible ring magpatawad tayo ng iba. Hindi natin puwedeng ibigay ang wala tayo!

Ngayong Pebrero, dalangin nating magkaroon ang bawat isa atin ng isang pusong mapagpatawad. Magagawa lamang natin ito kung tayo’y magpapakumbaba at isusuko ang ating sarili muli sa Panginoon. Isugo Niya nawa ang Banal na Espiritu para tunawin ang mga sebo’t taba ng pagmamataas na bumabalot sa ating puso upang ito’y walang ibang hangarin kundi ipadama ang nakaliligtas na pag-ibig ni Jesus sa iba lalo na sa mga nag-aakalang di nila ang Diyos sa kanilang buhay.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP