Powered by Blogger.

Monday, September 26, 2005

Sa Diyos Lamang

anluwage.com


Kamakailan idinaos ang kapistahan ni San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong santo. Isang ulirang asawa, ama, at lingkod ng Simbahan, dumanas ng pag-uusig si San Lorenzo mula sa pamahalaan dahil sa akusasyong pinatay niya o may kinalaman siya sa pagpaslang sa isang Kastila. Nagpasya siyang mangibang-bansa para mailayo ang kanyang sarili sa mga Guardia Civil at makapaghanap-buhay para sa kanyang mag-iina. Nakaalis siya ng Pilipinas kasabay ang ilang paring Dominiko na magpapalaganap ng Mabuting Balita sa mga Hapones. Noong panahong iyon, pinag-uusig ang sinumang magpapahayag ng kanyang pagka-Kristiyano sa bansang Hapon. Nahuli ang kanilang tropa, pinahirapan, at hinikayat na itakwil ang kanilang relihiyon. Subalit hindi natinag si Lorenzo at ang kanyang mga kasama. Winika niya na kahit mayroon siyang sanlibong buhay, ibibigay niya lahat ito sa Diyos.

Sa ating bansa, hindi mahirap para sa ating maging Katoliko. Ito’y isang biyayang minana pa natin sa ating mga ninuno o kaya’y sa ibang taong nagmagandang-loob na akayin tayong maging Kristiyano. Ang magpaka-Kristiyano ang tunay na hamon para sa atin. Isang hamon na di natin marahil natutugunan o kaya’y lagi na nating ipinagwawalang-bahala.

Maraming klase ng pag-uusig ang hinaharap ng modernong Pinoy sa ngayon: kahirapan, kawalan ng trabaho, karangyaan, bisyo, barkada, kultura sa ibang bansa atbp. Kung mahina ang ating pananampalataya, magiging madali para sa alin mang pag-uusig na ito na talikuran natin ang nakagisnang relihiyon.

Dumulog tayo kay San Lorenzo Ruiz, ang ating kababayan at pintakasi, na gabayan niya tayo para malampasan din natin ang mga pagsubok sa buhay. Sikapin nating mamuhay na puno ng pagdarasal at paggawa ng tama nang sa gayon, anuman ang ating estado sa buhay mapapatunayan nating nakalaan tayo sa Diyos.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP