Powered by Blogger.

Thursday, September 22, 2005

Pagpapatawad sa Konteksto ng Katarungan

anluwage.com


Noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino, hindi niya pinayagang makabalik ang pamilya Marcos sa bansa. Hindi siya pumayag na mailibing sa Pilipinas ang dati nitong pinuno na naging sanhi ng paghihirap ng nakararami.

Matapos bumaba sa puwesto si Cory, naiuwi sa bansa ang bangkay ni Apo. Nahalal sa puwesto ang kanyang balo’t mga anak. Magpahanggang ngayon wala pa ring linaw kung mayroon ba tayong mahihita sa mga yamang kinurakot nila noon.

Kung susuriin natin ang ating kasaysayan, masasabi nating madali tayong makalimot sa pagkakamali ng ating mga pinuno. Muli nating iniluluklok sa puwesto ang mga tiwaling lider na pinatalsik ng ating mga magulang. Hindi masamang magpatawad. Subalit ilagay natin sa lugar ang ating pagpapatawad. Kapag nagkasala ang isang anak, pinapatawad siya ng kanyang ama’t ina, pero kailangan siyang parusahan – hindi manonood ng TV, hindi makikipaglaro sa mga kabarkada, atbp – para magtanda at pagbayaran ang kanyang pagkakamali. Maliwanag na ganito ang nais ni Cory noon. Nakakalungkot isiping naging malambot ang mga humalili sa kanya. Dagdag pa rito ang mabagal na takbo ng gulong ng hustisya – isang kabagalang di na kayang tiisin ng mga taong matagal nang nagtitiis. Hindi kaya nagiging dahilan ito para talikuran ang mga ipinaglaban natin at muling tanggapin sa lipunan sina Marcos et al?

Kung magpapatuloy ang ganitong baluktot na mentalidad, huwag na tayong magtaka kung balang-araw manirahan muli sa MalacaƱan si Imelda, Imee, Bong-Bong, o si Borg. Huwag na rin tayong umasang uunlad pa ang ating bansa.

Wala tayong ipinag-iba sa aso – binabalikan natin ang ating isinuka.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP