Winika ng isang santo na ang rosaryo ang siyang sandata. Hindi naging malinaw kung saang sandata ito maaaring gamitin, subalit kung susuriin natin ang kasaysayan ng mundo at ng Banal na Simbahan makikita natin ang bisa nito bilang sandata.
Sinasabing ipinagkaloob ng Mahal na Birhen ang rosaryo kay Santo Domingo de Guzman noong ika-13 siglo upang puksain ang mga ereheng Albigenses (Albigensian heresy). Sa labanan sa bayan ng Muret, nagtagumpay ang Kristiyanismo.
Sa pakikipagtunggali ng mga Kristiyanong mandirigma sa pangunguna ni Don Juan ng Austria laban sa mga Turks noong ika-7 ng Oktubre 1571, naging instrumental ang pagdarasal ng rosaryo upang matalo ang mga kalaban. Bilang pagkilala sa halaga ng nasabing debosyon, itinatag ni Pope Pius V ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo tuwing ika-pito ng Oktubre.
Sa mismong bansa natin, muling ipinamalas ng langit ang proteksyong dulot ng rosaryo. Taong 1646 nang may namataang mga barko sa Manila Bay; mga barkong pag-aari ng mga Olandes. Nais nilang sakupin ang Katolikong Pilipinas at gawin itong Protestante. Nakipaglabanan sa kanila ang magkasanib na puwersa ng mga Kastila’t Pilipino sa Manila Bay. Sang-ayon sa kasaysayan, nanalangin ang ating mga mandirigma sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo. Sa kabila ng kakulangan sa kagamitang pandigma, nagtagumpay ang Pilipinas. Mula noon, naging tradisyon nang alalahanin ang nasabing pagkapanalo sa pamamagitan ng pagdiriwang ng tanyag na Kapistahan ng Mahal na Birhen ng La Naval de Manila.
Sa ating panahon, patuloy tayong nakikibaka sa mga kasamaan sa ating lipunan. Hindi birong isabuhay ang ating pananampalataya. Sa buwan ng Oktubre naging kaugalian na nating magdasal ng rosaryo. Habang hawak-hawak natin ang mga butil nito, habang binibigkas natin ang Aba Ginoong Maria, at habang nagninilay tayo sa mga banal na misteryo, ipagkatiwala natin ang ating bansa, pamilya, at mga sarili sa Mahal na Ina. Kumapit tayo sa kanya’t sa kanyang rosaryo, ang walang kupas na sandatang kakailanganin ng sinumang Kristiyanong nagnanais manaig ang paghahari ni Kristo.
Monday, October 10, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment