Powered by Blogger.

Friday, November 11, 2005

Tungkulin, Wala Nang Iba Pa

Sang-ayon sa pananampalatayang Kristiyano, nahahati sa tatlong bahagi ang Banal na Simbahan: ang Simbahang Maluwalhati (Church Triumphant), ang Simbahang Nagdurusa (Church Suffering), at ang Simbahang Nakikibaka (Church Militant). Ang una'y tumutukoy sa mga mananampalatayang nakikiisa na sa kaligayahan ng langit. Ang pangalawa'y tumutukoy sa mga mananampalatayang dumaranas ng paghihirap sa purgatoryo. Ang huli'y tumutukoy sa mga mananampalatayang naririto pa sa mundo.


May kaugnayan ang isa't isa. Kung maaalaala natin ang turo ng ating mga guro't katekista, malalaman nating nagdarasal ang mga bumubuo ng Church Militant para sa mga kaluluwang miyembro ng Church Suffering. Sa oras na mahango na ang mga kaluluwa sa purgatoryo't maging kasapi ng Church Triumphant, sila naman ang magdarasal para sa atin lalo na kung ang kaluluwa natin ay mapunta sa purgatoryo.


Kamakailan binatikos ng isang kilalang personalidad sa lipunan ang ilang obispo, pari, at madre sa kanilang pakikiisa sa mga gawaing pulitikal gaya ng rally. Binansagan niya silang "militante" at nanawagan pang huwag bigyan ng abuloy ang mga ito.

Kung tutuusin, tama lamang na kilalanin ang mga kinauukulan bilang militante - hindi ba't ito ang imahe ng Simbahang Katoliko dito sa lupa, isang simbahang nakikibaka laban sa kasamaan at gawi ng mundo? Kaipokrituhang masasabi kung dadasalin natin ang "Ama Namin" habang magsasawalang-kibo na tayo sa pagdurusa ng bansa. Kung nagdarasal at gumagawa tayo ng sakripisyo para sa mga kaluluwa sa purgatoryo, gaano pa kaya para sa mga taong nasa paligid natin? Hihintayin pa ba nating mamatay sila bago magpahayag ng liham pastoral ang obispo o mag-rally sina Father o Sister o Brother?

Tumpak ang personalidad na ito na tawaging militante ang mga kagaya nina Bishop Antonio Tobias at Fr. Robert Reyes, subalit nagkamali siyang kondenahin sila sa pagiging militante. Ginagawa lamang nila ang kanilang sagradong tungkulin.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP