Powered by Blogger.

Thursday, July 05, 2007

Ang Maynila Ni Lim

Artwork by EDWARD M. LUMABI, Anluwage.Com


Salungat sa ibang bagong-halal na alkalde, nagsimula nang umaksyon si Mayor Alfredo Lim ng Maynila. Unang-una na sa kanyang listahan ay ang muling pagbubukas ng Avenida Rizal. Maaalalang ipinasara ito ng dating alkalde Lito Atienza na lubhang nakaapekto sa trapiko sa kahabaan ng Avenida at naging pugad pa ng samu't saring krimen sa kabila ng mga palamuti nito.

Nakikiisa kami sa mga bawat Manilenyong tila nabunutan ng malaking tinik sa dibdib nang ipagiba ang dating malaking hadlang sa sikat na Avenida. Totoong malaking pera ang iginugol para 'protektahan' ang ilang bahagi nito sa mga sasakyan, pero mas malaking pera at panahon ang ibinuwis ng bawat pasahero't motorista (pati na rin ng mga nagbabayad ng amilyar sa City Hall) dahil sa kapritso ng isang alkaldeng walang inatupag kundi palamutian ang lungsod sa puntong pagbale-wala sa iba pang mahalagang isyung kinakaharap ng Maynila: kriminalidad, kalinisan, katarungan, kapayapaan, kaayusan.


Habang isinusulat ang Editoryal na ito, balita na ang pagbabalangkas ng mga hakbang para labanan ang mga katiwaliang nagaganap sa City Hall. Isa mga malaking hamon para kay Lim ay ang pagbawi sa mahigit P 6 bilyong sinasabing kinurakot ng dating administrasyon mula sa kaban ng lungsod.


Lubos kaming umaasang sa panunungkulan ni Mayor Lim ay mabibigyang-pansin ang mga isyung natabunan ng mga dekorasyon, ilaw, at karatula ni Atienza. Kung maaaksyunan ito ng butihing alkalde, tunay nating masasabing maganda ang dakilang Maynila.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP