Kamakailan lang, lumabas sa maraming diyaryo ang isang panawagang pinamagatang: "Erap: Guilty or not Guilty. Kailangan bang may gulo?". Inilabas ito sa panahong malapit nang magbaba ng desisyon ang Sandigangbayan sa kasong inihain dito laban kay dating pangulong Joseph Estrada.
Sa bansang maraming kinakaharap na isyu, halos nabaon na sa limot ang kaso ni Erap. Limot na ng lahat ang kalagayan ng dating presidente, maliban sa kanyang mga taga-suportang nagbabantang mag-rally guilty man o hindi ang kanilang idolo.
Kung mapatunayang nagkasala si Erap, nagbabanta silang magprotesta laban sa hatol ng korte. Kung absuwelto naman ang ipapataw, ipipilit nilang ibalik si Erap sa Malacanang dahil, para sa kanila, isa itong patunay na walang karapatang manungkulan si Gloria Arroyo.
Nakakatuwang marinig mula kay San Juan Mayor JV Ejercito, anak ni Erap, na ang tanging hangad ng kanyang ama ay malinis ang kanyang pangalan at hindi ang makabalik sa pagkapangulo ng bansa.
Saan mang panig tayo napapabilang, kailangan nating igalang ang desisyon ng Sandigangbayan. Huwag nating takutin ang korte sa dapat nitong ipataw sa taong kinasuhan. Iwaksi din nating maging tau-tauhan sa political agenda ng ilang Pilipino.
Marami pang dapat harapin ang bansang ito. Marami pang kaunlaran at kasaganahang dapat tamasahin. Sikapin nating tayo'y maging bahagi upang ito ay mangyari.
No comments:
Post a Comment