Hindi na sa atin bago ang balitang tumigil sa pag-aaral ang anak o mga anak ng isang pamilya dala ng matinding kahirapan. Kailangan nilang kumita magkaroon man lang ng laman ang kanilang sikmura.
Subalit nakakagulat malaman na kahit ang pagpapabinyag ay ipinagpapaliban na rin dahil sa karukhaan.
Nitong ika-28 ng Hulyo 2007, nagkaroon ng binyagang bayan sa St Joseph de Gagalangin Parish Church. Sang-ayon sa Philippine Daily Inquirer, 1,126 na sanggol at paslit ang naging Kristiyano. Ang mass baptism ay proyekto ng Hulog ng Langit Foundation na pinamumunuan ng kontrobersyal na dating congressman Mark Jimenez.
Isa sa mga natulungan ng foundation ay sina Rogelio at Analyn Segundo. Nabinyagan noong Sabado ang kanilang tatlong anak. Isa ring nabigyan ng ayuda ay ang dalawang supling ni Jocelyn Cumpa.
Nakakaawa talaga ang kalagayan ng mga kagaya nina Rogelio, Analyn, at Jocelyn. Dahil namumuhay sila sa 'isang kahig, isang tuka' ay hindi na nila kaya ipagkaloob sa kanilang mga anak ang biyayang maging mga anak ng Diyos at tagapagmana ng langit.
Subalit nakakainis masaksihan ang kanilang pagiging iresponsable bilang mga magulang. Hirap na hirap na sila pero nag-anak pa rin sila nang nag-anak. Kung ang isang anak ay hindi na nga kayang pabinyagan, gaano pa kaya ang dalawa o tatlo? Oo masayang magkaroon ng mga anak subalit siguraduhin naman kaya nating ibigay sa kanila ang isang magandang kinabukasan. Ang sabay-sabay na pagpapabinyag sa mga anak noong Sabado ay hindi yata indikasyon ng magandang bukas para sa mga bata.
Ang kahirapan ay hindi dapat laging gawing dahilan sa marami nating kakulangan. Ito rin sana ay gawin nating paraan para lalo tayong magsikap at maging responsable upang huwag na nating danasin ang kalupitan ng pagiging pobre.
Tuesday, July 31, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment