Powered by Blogger.

Wednesday, August 08, 2007

Dumi sa Sariling Bakod

Matapos ang ilang linggo, napagkaisahan na ng Senado kung sino ang mamumuno sa Committee on Accountability of Public Officers & Investigations (lalong kilala bilang Blue Ribbon Committee): Senador Alan Peter Cayetano.

Kauupo pa lang niya bilang senador at bilang tagapangulo ng makapangyariha't kontrobersyal na komite nang hamunin siya ni Senadora Miriam Defensor-Santiago na imbestigahan ang napapabalitang pangingikil ng ilang miyembro ng Commission on Appointments. Isa sa mga sinasabing biktima ng ekstorsyon ay si Representative Herminio Teves na nilapitan umano ng ilang kapwa mambabatas para 'ibenta' sa halagang P 5 milyon ang kanilang pagsuporta sa pagtatalaga kay Margarito Teves, kanyang anak, bilang Kalihim ng Department of Finance.

Isa ring inipit ay si dating Secretary Domingo Panganiban na hiningan ng mga proyektong nagkakahalagang P 80 milyon bilang kapalit ng kanyang kumpirmasyon bilang Kalihim ng Agrikultura.

Isang matinding alegasyon galing sa isang hindi basta-bastang miyembro ng Senado.

Huwag sanang palampasin ni Alan ang hamon ni Miriam. Panahon na para magpakitang-gilas siya bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee.

At ang unang hakbang ay linisin ang sarili niyang bakod.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP