Tuwing ikatlong Linggo ng Oktubre, inaalala ng Simbahan sa buong daigdig ang World Mission Sunday. Ito'y isang magandang pagkakataon para ang bawat Katoliko'y tumulong sa mga gawain ng mga misyonero.
Ang mga misyonero - pari, madre, at layko - ay isinusugo ng kani-kanilang samahan sa ibang bansa upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo. Ang kanilang misyon ay naisasagawa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga simbahan, ospital, paaralan, atbp. Kadalasan, ang mga lugar na ito'y puno ng kahirapan, tagtuyot, at digmaan.
Paano ba tayo maaaring makatulong sa ikapagtatagumpay ng misyon?
Manalangin - Isang napakagandang handog para sa kanila ang alalahanin sila sa ating pagdarasal lalo na sa ating pagdalo sa Misa. Sinasabing naging ugali na ni Sta Teresita de Jesus ang manalangin para sa Misyon. At dahil sa ningas ng kanyang pagdarasal para sa kanila, kinikilala siya sa ngayon bilang patrona ng mga misyon sa kabila ng kanyang pagiging mongha.
Mag-abuloy - Mayroong second collection sa bawat Misa sa Linggo bilang tulong-pinansyal sa mga proyekto ng mga misyonero. Bilang magkakapatid sa pananampalataya, pananagutan nating ibahagi sa kanila ang anumang biyayang ating nakakamit. Alalahanin nating minsan nang nagpunta ang mga misyonerong Kastila sa ating bansa para ikalat ang Kristiyanismo. Oras na para makaganti tayo sa kanilang mga pagsisikap.
Makisangkot - Ang bawat isang Kristiyano'y misyonero. Sa anumang paraan, ipakita natin sa ating kapwa ang kabutihan ng Diyos sa atin. Ipadama natin sa kanila na tayo'y mga tagasunod ni Kristo. Sa pamamagitan nito makakahikayat pa tayo ng mas maraming kaluluwang makikilahok sa Kanyang nakaliligtas na misyon.
No comments:
Post a Comment