"Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa kanyang paroroonan." Isang kasabihang bunsod ng matindi nating pagpapahalaga sa pagtanaw ng utang na loob. Kaya nga hindi nawawala sa ating mga Katolikong Pinoy ang magsimba kapag kaarawan natin bilang tanda ng pasasalamat sa isa na namang taong ipinagkaloob sa atin ng langit.
Sinasabing ang pasasalamat ang siyang alaala ng puso. At ito ay lubos nating naipapahayag sa tuwing idinaraos ang Araw ng mga Patay. Sa puso ng bawat Kristiyano, hindi nawawaglit ang mga oras na nakasama natin ang mga sumakabilang buhay nating kamag-anak o kaibigan. Oo, yumao na sila, subalit hindi ganap na nawala sa ating piling.
Sikapin nating maging makabuluhan ang Undras. Hangga't maaari, iwasan natin ang mga walang kuwentang paglalasing at kasiyahan sa sementeryo. Iukol natin ang araw na ito para ipagdasal ang mga yumao. Minsan nang winika ni San Agustin na ang kandila'y nauupos at ang luha'y natutuyo, subalit ang panalangin para sa mga kaluluwa'y tinatanggap ng Diyos. Panalanging nagmumula sa mga pusong marunong umalala sa mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa pamamagitan ng ating kapwa.
Saturday, October 27, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment