Powered by Blogger.

Friday, November 02, 2007

Instant

Lahat na lang yata ng bagay sa mundo ngayon ay dinadaan sa bilis. Isang click mo lang sa computer o cellphone ay naipadala mo na ang mensahe mo sa ibang tao na marahil ay nasa ibang panig pa ng mundo. Buhusan mo lang ng mainit na tubig ang noodles at mayroon ka nang makakain. Padaanan mo lang ng isang pasada ng vacuum cleaner ang carpet at muli na naman itong magiging malinis.

May magandang naidudulot sa atin ang pagiging mabilis ng ilang proseso sa ating pang-araw-araw na buhay.

Subalit hindi lahat ay dapat minamadali.

Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa marami ang agarang pagpapatawad ni Pangulong Gloria Arroyo sa dating presidente Joseph Estrada. Hindi man lang niya binigyan ng pagkakataong umandar ang gulong ng hustisya sa unang pangulo na bansa na nakasuhan at nahatulan sa salang pandarambong. Ni hindi man lang umamin si Erap sa kanyang mga pagkakamali't humingi ng tawad dito.

Isa pang eksenang kapansin-pansin ay puno na ng palamuti ang bawat mall kahit hindi pa Pasko. Hindi kataka-takang magsawa at mapagod na ang lahat ng tao kung kailan oras na para magdiwang.

Marami pang pangyayari sa ating lipunan na pawang minadali na nagbunsod ng di magagandang resulta.

May mga bagay na maaaring madaliin, subalit mayroon din na kailangang pag-isipang mabuti at pag-ukulan ng panahon para pagnilayan at ipagdasal. Hanapin nating muli sa ating puso ang pangangailangan nating pumreno kahit sumandali.

Alalahanin natin ang kasabihang "Ang tumakbo nang matulin, kung matinik ay malalim."

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP