Sang-ayon sa isang alamat, nakasalubong ni San Pedro ang Panginoon sa isang lugar sa Italya habang tumatakas siya mula sa mga mapang-usig na Romano. Itinanong ni San Pedro, "Quo vadis, Domine?" (Saan ka pupunta, Panginoon?) Ang itinugon umano ni Kristo ay pupunta Siya sa Roma para muling magpapako sa krus. Natauhan ang alagad at muling nagbalik sa Roma para ipagpatuloy ang kanyang misyon.
Quo vadis? Saan ka pupunta?
Kapag tumuntong na tayo sa ika-apat na taon sa haiskul, naitatak na sa isip natin na ito na ang huli nating taon at kailangan na nating magdesisyon kung saan tayo tutungo matapos makuha ang ating mga diploma. Saang kurso't kolehiyo o unibersidad tayo mag-eenrol? Anong karera ba ang ating susuungin? Ito ang mga tanong na lagi nating makakasama sa huli nating taon sa mataas na paaralan. Ito ang mga tanong na ating kaakibat sa edad na 16 na taon.
Quo vadis? Saan ka pupunta?
Ito rin ang tanong na kailangang pagnilaya't tugunin ng anluwage.com sa pagdiriwang ng aming ika-16 taong anibersaryo.
Sa ganang amin, ito ang aming tugon:
Bunsod ng aming pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang sambayanan, patuloy naming ipapaabot sa lahat ng tao ang Kanyang Mabuting Balita sa pamamagitan ng mga napapanahong artikulo hinggil sa pananampalatayang Kristiyano at mga isyung panlipunan;
magsisikap kaming makapangalap pa ng mga karagdagang manunulat na makapag-aambag ng kanilang mga kakayahan sa mga mambabasa;
magbubuo kami ng masusing pakikipag-ugnayan sa ibang pamayanang Katoliko upang mas marami pang kaluluwa ang aming mapagsilbihan para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Thursday, October 04, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment