Sang-ayon kay San Pio de Pietrelcina, ang rosaryo ang siyang sandata. Matalinhaga ang mga salitang binitiwan ng kilalang santo dahil mapapaisip ka kung saang sandata maaaring gamitin ang rosaryo.
Sa personal na lebel, ito'y nagiging sandata ng bawat tao laban sa pagiging makasarili. Alalahanin nating napapaloob sa bawat "Aba Ginoong Maria" na ating inuusal ang pagninilay sa buhay nina Jesus at Maria. Kapwa naging bukas sa kalooban ng Ama ang Panginoong Jesus at ang Kanyang Ina. Hindi nila ininda ang sakripisyo para lingapin ang kapwa dahil ito'y naaayon sa kalooban ng Diyos.
May isang Pilipinong napilitang iwan ang kanyang mag-anak dahil napagbintangan siyang pumatay ng isang Kastilang sundalo. Sumama siya sa ilang paring Dominikong mangangaral sa Japan. Sa kasagsagan ng kanilang misyon, nahuli sila ng mga Hapones at pinatawan ng mabibigat na parusa. Inalok siyang talikuran ang pananampalatayang Kristiyano kapalit ang kanyang kaligtasan. Maaari niya na sanang gawin ito subalit buong tapang niyang ipinahayag na kahit libo pa ang kanyang buhay, iaalay niya lahat ito sa Diyos. Ang kababayan nating ito'y walang iba kundi si San Lorenzo Ruiz na kilalang deboto ng rosaryo.
Kung pahahalagahan lang ng bawat Kristiyanong Katoliko ang pagdarasal ng rosaryo, kagaya ni San Lorenzo, wala sigurong mamumuhay ng "para sa sarili lamang". Nakakahiyang masaksihan kung gaano katindi ang epekto ng pagkamakasarili sa ating gobyerno, lipunan, at bansa.
Ang rosaryo ang siyang sandata rin laban sa kawalan ng pag-asa. Minsan nang nangako si Maria na sa pamamagitan ng rosaryo magkakamit ng kapayapaan ang daigdig. Kaisa ng niya at kasama si San Lorenzo, dasalin natin nang taimtim ang rosaryo para sa ikapagpapanibago ng mundo.
Friday, September 28, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment