Kilala si Jose De Venecia (JDV) bilang tapat na kaalyado ng Malacanang. Noon pa mang panahon ni dating pangulong Fidel Ramos, nagpamalas na nang matinding katapatan si JDV sa kanyang pangulo at kababayan. Bilang Tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, nasigurado niyang makakapasa ang anumang programa ng Malacanang, kahit na ang ilan dito'y lubhang nakasama sa taumbayan.
Panandaliang nanahimik si JDV nang matalo siya sa pagkapangulo ng bansa. Nang maluklok si Gloria Macapagal-Arroyo, muling siyang nagbalik sa Kongreso, muling naupo bilang Speaker, at muling naging numero unong maaasahan ng palasyo sa mga batas na nais nitong ipagawa sa kanila. Hindi kataka-takang dalawang beses nang naibasura ng Mababang Kapulungan ang pagpapatalsik kay Gloria.
Maaliwas na sana ang mundo ni JDV dahil bukod sa mayaman siya, naghahawak siya ng kapangyarihan.
Subalit nahaharap siya ngayon sa isang matinding pagsubok. Sa isang panig ay ang kanyang anak na nagdadawit sa asawa ng Pangulong Arroyo sa kotrobersyal na 'broadband deal' ng gobyerno. Sa kabilang banda naman ay ang pangulong kaanib niya sa partido na, bagamat hindi direktang idinawit ng kanyang anak, ay apektado rin sa usapin.
Kanino kakampi ngayon si JDV? Sa kanyang anak? O sa kanyang amo? Kung sa kanyang anak, masisira ang kanyang ugnayan sa Malacanang at ipapalagay ito ng kanyang mga kapartido bilang pagkakataon para alisin siya sa kanyang mataas na puwesto sa Kongreso. Kung sa pangulo, mawawasak ang relasyon nilang mag-ama.
Kilala si JDV sa palagian niyang pagkampi sa kanyang kapartido. Muli kaya niyang ipapakita ang tunay niyang kulay sa mata ng kontrobersyang ito?
No comments:
Post a Comment