"Mabuhay si Kristong Hari!" Ito ang sigaw ng mga pari at ermanong Kastilang naging biktima ng Digmaang Sibil sa Espanya noong dekada 30. Sigaw ng pagbubunyi sa kabila ng mga pahirap na nadama nila mula sa kanilang mga kababayang may matinding galit sa Simbahang Katoliko noong panahong iyon. Sigaw ng pagpupuri bago sila binawian ng buhay, buhay na inihandog nila nang buong-buo sa Dakilang Manlilikha.
Kamakailan lang itinanghal bilang mga beato ang 498 na Kastilang martir bilang pagkilala sa kanilang katapatan sa pananampalataya at dalisay na pagpapatawad.
Maraming nagsasabing nag-iba na raw ang ihip ng hangin sa Europa. Bagamat malalaki ang kanilang mga simbahan, kakaunti na lang ang dumadagsa dito para magdasal. Napupuno lang ito ng mga tao kung may mga dayuhang dadalaw dito. Sang-ayon sa isang kilalang guro, kung noon ay nanggagaling sa Europa ang mga pari't madre, ngayon naman ang pari't madreng galing sa Pilipinas ang isinusugo doon.
Marami na ring batas ang ipinapatupad dito na salungat sa mga utos ng Diyos at ng Simbahan.
Isang napakagandang pagkakataon ang pagtatanghal na ito para muling balikan ng Espanya ang kanyang pinagmulan: ang Katolikong pananampalataya. Isang pananampalatayang kumikilala at handang sumunod sa mga yapak ni Kristong minsan nang inusig ngunit ngayo'y maluwalhating naghahari.
Sang-ayon nga kay Padre Guillermo Tejon, isang Dominikong Kastilang misyonero sa Kamaynilaan, ganoon na lamang kahalaga ang pagiging Kristiyano ng Espanya at ng buong Europa na kung wala ito, mawawalan ng saysay ang kanilang kasaysayan.
Saturday, November 24, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment