Powered by Blogger.

Sunday, November 18, 2007

Una sa marami pang hakbang

Naibalita kamakailan ni Cardinal Walter Kasper, pangulo ng Pontifical Council for Christian unity, ang paglalathala ng isang dokumentong bunga ng diyalogo sa pagitan ng Simbahang Katoliko at ng Orthodox Church. Ang paksa ng dokumento ay ang pagkakaisa ng Simbahan and kung paano ibinabahagi at ipinapatupad ang pamumuno sa lokal, rehiyonal, at pandaigdigang antas ng Simbahan.

Minsan nang naging iisa ang Simbahang Katoliko at ito'y nakabase sa Roma. Subalit nang bumagsak ang Imperyo sa Roma, at nanatiling maunlad ang Imperyo sa Constantinople (Turkey), dito nagsimulang sumibol ang Orthodox Church. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang simbahan. Isa na rito ay ang hindi pagkilala ng Orthodox Church sa Santo Papa bilang Bikaryo ni Kristo at pinakamataas na obispo sa Simbahan. Itiniwalag umano ng magkabilang panig ang isa't isa.

Subalit nitong huli, marami na ring beses na nagsikap ang isa't isa na magkasundo at muling mabuo ang Simbahan.

Sa dokumentong binanggit ni Cardinal Kasper, handa nang makipag-usap ang mga taga-Orthodox Church tungkol sa unibersal na lebel ng Simbahan at, samakatuwid, sa papel ng Santo Papa sa lebel na ito. Magkagayunman, inamin ni Kasper na hindi ito isang madaling diyalogo at baka abutin pa ng isang buong dekada bago maabot ang pinapangarap na pagsang-ayon ng magkabilang panig. Ngunit, kinikilala niya ang dokumento bilang una o basehan sa pagkakasundo.

Kagaya ng anumang nasirang relasyon, hindi talaga madaling mailalagay sa ayos ang lahat. Subalit, puno ng pag-asa inaanyayahan tayong makiisa sa pagdarasal na muli nang mabuo ang Katawang Mistiko ni Kristo, ang Simbahan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP