Powered by Blogger.

Friday, February 22, 2008

Bida sa Misa

Maraming tao ang nagsidalo sa Misang inorganisa ni dating Pangulong Corazon Aquino noong ika-17 ng Pebrero sa La Salle Greenhills. Maraming pari, madre, at personalidad ang dumalo. Isa sa mga naroon si Jun Lozada, ang kasalukuyang nagbibigay-patotoo sa pagdinig sa Senado. Inilarawan ng sa isang komentarista sa TV Patrol, si Lozada bilang 'bida sa Misa'.

Ang salitang bida ay galing sa Kastilang vida (buhay sa wikang Filipino). Hindi nga ba't sa anumang pagtutunggali, ang bida ay siyang nagbibigay-buhay o nagliligtas sa buhay ng sinuman lalo na ng naaapi?

At bagamat si Lozada ay masasabing bida dahil sa pamamagitan ng kanyang pagsisiwalat ng katotohanan ay isinasagip niya sa kapahamakan ang bansa, hindi wasto at angkop na sabihing siya ang 'bida sa Misa'.

Mahalaga ang Misa sa mga Katoliko. Sa ating bansa, marami ang dumadalo dito sa maraming kadahilanan, isa na rito ang pasasalamat sa mga biyayang natanggap. Hindi tulad ng ordinaryong pagdarasal, sa Misa lubos na nasasaksihan kung paano tumugon ang Diyos sa atin - ang paghahain Niya ng Kanyang sarili para maging pagkain at inumin natin, pagkai't inuming nagbibigay-buhay sa ating pang araw-araw na pakikipaglaban sa kasalanan at kasamaan sa mundo.

Sa kabila ng pagiging mapili ng ilan sa atin sa kung saang simbahan tayo magsisimba, sa kung sinong pari ang magmimisa, at sa kung sinu-sinong kilalang personalidad ang dumadalo dito ang bawat Misa ay hindi nagkakaiba. Iisang Diyos ang sinasamba dito, iisang Diyos ang pinagsasaluhan, iisang Diyos ang nagbibigay-buhay.

Samakatuwid, ang Diyos ang siyang tunay na bida sa Misa. At walang sinumang makakaagaw sa Kanya ng puwestong ito.

2 comments:

Anonymous said...

kahit kelan naman kung hinde kulang sobra kung magbalita yang channel chu

Anonymous said...

kaya nga madamaydamay ang simbahang katoliko dahil sa pang aabuso ng mga sinumang mapagsamantala!!!eh kahit ano pa gawin natin yan na talaga ang pinoy!!!Diyos na lang ang bahala!!!Tingnan nalang natin sa kabilang buhay kung sino ang BIDA na sinasabi nila...

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP