Powered by Blogger.

Saturday, February 16, 2008

Takot at Tapang

Inaakala ng Palasyo na ang pag-alis sa puwesto nina Benjamin Abalos at Jose De Venecia at ang hindi pagdalo ng mga miyembro ng gabinete sa mga pagdinig sa Senado ay magbibigay-tuldok na sa isyung kinasasangkutan ng pamilya Arroyo. Subalit nagkamali sila. Ang paglabas ni Rodolfo "Jun" Lozada mula sa kadiliman ng pagtatago ay tila isang multong malimit na pupukaw sa kanilang pagtulog.


Lalong tumitindi ang panawagan ng maraming sektor para sa pagbaba sa puwesto ni Pangulong Arroyo at ng iba pang personalidad na sangkot sa maanomalyang NBN-ZTE deal.


Sa kanyang panayam kay Jun Lozada, tinanong ni Manuel Quezon III kung ano ang katapangan para sa kanya. Sang-ayon kay Lozada, ang matapang na tao ay nakakaramdam ng takot subalit tumutupad pa rin sa kanyang tungkulin sa kabila nito.


Kung maririnig natin ang patotoo ni Lozada sa Senado, makikita natin na siya'y puno ng takot - takot na baka buweltahan siya at ang kanyang pamilya ng mga makapangyarihang pilit niyang binabangga, takot na mawalan ng trabaho, takot na itakwil ng kanyang mga kaibigan, atbp. Subalit hindi niya ito ininda. Inilabas niya ang katotohanan, isang masakit ngunit nakakapagpalayang katotohanan.


Ang katapangan ni Lozada ay isang pagtuligsa sa pamilya Arroyo na lubha nang nasilaw sa kinang ng kapangyarihan at karangyaan, sa mga kaalyado ng Palasyo na nagtatago sa saya ng kanilang amo o kaya'y patuloy na dumidipensa dito. Ito rin ay pagtuligsa sa maraming beses nating pag-iwas sa katotohanan.


Ang karanasan ni Lozada ay karanasan ng bawat Pilipinong hindi pumapansin sa palagiang pananakot ng gobyernong magpahanggang ngayo'y kinukuwestyon ng marami ang legalidad. Ang karanasan ni Lozada ay naging karanasan ni Kristo, ang Tagapagligtas ng mundo.

2 comments:

Anonymous said...

paliwanag lamang: ang pinagtanungan ko ay hindi si jun lozada kundi ang ama ko. salamat!

Tanghalang Anluwage, Inc. said...

Nais naming ituwid ang isang pagkakamali. Totoong hindi si Jun Lozada kundi si Manuel Quezon Jr, ang yumaong ama ng kolumnistang si Manolo Quezon ang nagsabing ang matapang na tao ay "...nakakaramdam ng takot subalit tumutupad pa rin sa kanyang tungkulin sa kabila nito."

Humihingi kami ng paumanhin sa mga kinauukulan.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP