Kung titingnan natin ang palatuntunan ng pagdalaw ng Santo Papa sa Amerika, wala sa kanyang itineraryo ang pakikipagpulong sa isang grupo ng mga Katolikong Amerikano nang dumalaw siya sa kanilang bansa magdadalawang linggo na ang nakakalipas.
Bilang tugon sa kahilingan ni Sean Cardinal O'Malley, Arsobispo ng Boston, nakipagkita si Benedict XVI sa limang biktima ng pang-aabusong sekswal ng ilang pari sa Amerika. Sang-ayon kay O'Malley, hindi niya inaasahang magaganap ang pagpupulong na ito sa pagdalaw ng Bikaryo ni Kristo.
Sa kanyang panayam, ipinabatid ng Santo Papa sa mga biktima kung gaano kabigat ang isyung ito sa kanya at kung paano niya ipinagdarasal ang mga sangkot dito. Binigyan-diin niya ang kahalagahan ng pananalangin para sa ikababanal ng mga pari sa Simbahan. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga biktima na makausap nang sarilinan ang Papa.
Maraming pangyayari sa pagdalaw ng Papa ang naging pangunahing balita sa maraming pahayagan. Subalit, ang nangunguna para sa amin ay ang pakikipag-ugnayan niya sa mga kapatid nating labis na nasaktan at nasugatan sa mga kamay ng mga taong dapat magdulot ng pagpapala at awa. Ito'y nagbibigay ng pag-asa sa mga biktima na seryoso si Benedict XVI sa krisis na ito. Na ang mga usaping humahon sa Simbahan gaya ng pang-aabuso ng ilang pari ay dapat harapin at hindi dapat itago.
Sa kanyang pagpunta sa pinakamakapangyarihang bansa sa mundo, tunay ngang "He came. He saw. He conquered."
Friday, April 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment