Powered by Blogger.

Friday, May 02, 2008

Sulo ng Pananampalataya sa China

Naging pasaring ni Jun Lozada, mga dalawang buwan na ang nakakalipas, ang pagkakaroon ng "Archdiocese of MalacaƱang" sa Cebu nang walang paring nagpaunlak na magmisa sa kanyang pagsasalita sa iba't ibang bahagi ng siyudad.

Maaaring matawa o mapailing na lang tayo sa birong ito, subalit sa China mayroong dalawang Simbahang Katoliko. Ang isa ay kilala bilang 'Official' Church, samantalang ang isa naman ay 'Underground'. Sinasabing ang 'Official' ay bunsod ng pagkakatatag ng Chinese Catholic Patriotic Association (CCPA) noong 1957 nang ang bansa ay napasailalim sa Komunismo. Hindi kinikilala ng CCPA ang awtoridad ng Santo Papa.

Samantala, ang 'Underground', sa kabila ng mga pag-uusig ng pamahalaan, ay patuloy na nagpupursige upang ang Mabuting Balita ni Kristo ay maipahayag sa lahat. Sang-ayon sa Aid to the Church in Need (ACN), isang organisasyong nangangalap ng donasyon para tulungan ang mga kapatid natin sa pananampalatayang dumaranas ng paghihirap sa kanilang mga bansa, isang pari ang hindi natitinag sa pagsisikap ng gobyernong pigilan siya sa pagpapatayo ng isang simbahan. Tinatayang 500 ang binibinyagan sa kanyang parokya kada taon. Isa pang pari ang naglakas-loob na nagsabi sa mga awtoridad na sila mismo ang gumiba sa simbahan at harapin ang kahihinatnan nito mula sa mga galit na tao.

Sa kasalukyan, marami pa ring Kristiyano ang nakakulong, nagtatago, o kaya'y dumaranas ng pisikal o sikolohikal na paghihirap dahil sa kanilang paniniwala. Sa isang banda, nagsisimula nang mailagay sa ayos ang 'Official' at 'Underground' Churches. Sang-ayon pa rin sa ACN mayroong mga proyektong binalangkas at pinagtatrabahuhan ng mga paring galing sa magkabilang grupo.

Nananawagan ang ACN na isama natin sa ating pagdarasal at tulong-pinansyal ang China lalo na sa taong ito kung saan gaganapin sa kanila ang World Olympics. Habang sinisindihan ang sulo ng palarong ito sa Beijing sa darating na Agosto, alalahanin din natin kung ano ang magagawa nating mga Pinoy - tayong mas mapalad na ipahayag at isabuhay ang ating pagiging Kristiyano - para manatiling nagliliyab at nagbibigay-liwanag ang sulo ng pananampalataya sa ating mga kapanalig na Chino.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP