Powered by Blogger.

Saturday, July 19, 2008

Bakit Hindi Imbitado?

Nakakapagtakang hindi inanyayahan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Family and Life si Pangulong Gloria Arroyo sa Prayer rally for Life na gaganapin sa University of Santo Tomas (UST) sa Hulyo 25.

Sang-ayon kay Fr Melvin Castro, Executive Secretary ng commision, ang laban umano sa pagsasabatas ng mga anti-life na panuntunan ay sa lehislatura kung kaya't ilang senador at kongresista lamang ang kanilang inanyayahan.

Oo nga't sa sangay na iyon ng gobyerno binabalangkas, hinihimay, at napagkakayarian ang anumang batas, hindi pa rin ito mabigat na dahilan upang hindi anyayahan ang Pangulo na pinaniniwalaang sumasang-ayon sa pro-natural family planning.

Wala naman daw magsasalitang pulitiko sa prayer rally. Wala din namang masama kung aanyayahan si Arroyo, isang Katoliko gaya ng mga nag-organisa at dadalo sa pagtitipon. Malay natin na kung aanyayahan at dumalo siya sa prayer rally na ito ay lalo pa niyang maipaparating sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang kahalagahan at kasagraduhan ng buhay at ang pangagailangan ng mga batas na lalo pang kikilala dito? Sa sistemang pulitikal ng bansa, hindi lingid sa atin kung gaano kalakas ang impluwensya ng Pangulo - mabuti man o masama ito. Alalahanin din nating siya ang may kapangyarihang pagtibayin o ibasura ang anumang batas na magmumula sa Kongreso.

Bilang ina ng bansa, mainam na madama ni Gloria ang saloobin at hinaing ng kanyang mga "anak". Angkop din na malaman natin kung saan ba talaga siya pumapanig.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP