Utang na loob. Ito na marahil ang pinakasikat na ugali nating Pilipino. Marunong tayong magpahalaga sa mga taong nakatulong o patuloy na tumutulong sa atin. Naniniwala tayo sa kasabihan "Ang hindi marunong lumingon sa kanyang kinaroroonan ay hindi makakapunta sa kanyang paroroonan."
Kahit sa pulitika, umiiral ang kaugaliang ito. Magtanong ka sa mga botante kung bakit si Senatong X o Representathief Y ang nais nilang iboto at ang idadahilan nila ay ang naitulong nito sa kanila. Kung santo man o hindi ang isang kandidato, kapwa sila umaasang utang na loob ang paiiralin ng madla mailagay lang sila sa puwesto.
Mismong ang Pangulo ng bansa ay hindi marunong lumimot sa mga tumulong sa kanya. Noong 2004, pinili niya ang Cebu bilang lugar kung saan siya manunumpa bilang presidente tanda ng pasasalamat sa mga botanteng Cebuano na nagdala ng pinakamalaking bilang ng mga boto para sa kanya.
Patuloy pa ring tumatanaw ng utang na loob si Gloria sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na Executive Order 464 na nagbibigay ng executive privilege sa mga opisyal sa kanyang gabinete upang huwag silang tumestigo sa mga imbestigasyon ng Kongreso. Marami nang gumamit sa kautusang ito para iwasan ang mga pagdinig lalo na nang kasagsagan ng NBN-ZTE deal na kinasangkutan ng Unang Ginoo at ibang kilalang opisyal ng pamahalaan gaya ni dating NEDA Administrator Romulo Neri.
Umabot pa sa Korte Suprema ang kaso para pilitin si Nering magpatotoo sa pagdinig ng nasabing kapulungan. Subalit, hindi kapanipaniwalang, kakatigan ng mga mahistrado si Neri.
Malinaw na ang Executive Order 464 ay ginagamit na kapote para huwag mabasa ang ilang mga opisyal sa ulan ng imbestigasyon. Kung tutuusin, ang kautusang ito ay kapote mismo ni Gloria para huwag siyang mapulaan at malagay sa isang di kanais-nais na sitwasyon. Hindi man niya magawang ilagay sa batas militar ang bansa - na magpapasara sa Kongreso at kakapon sa Korte Suprema at media - pupuwede naman niyang harangin nang pailalim ang pag-usad ng anumang imbestigasyong laban sa kanya o sa kanyang mga 'kinatatanawan ng malaking utang na loob'.
At ngayon si Neri, ang kasalukuyang Chairman ng Commission on Higher Education, ay itinalaga bilang Administrator ng Social Security System at may ranggong Cabinet member. Ibig sabihin, saklaw pa rin siya ng kapote ni Gloria et al.
Isa na namang sampal sabay tadyak sa ating bayan.
Thursday, July 10, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment