Habang karamihan sa ating mga balita ay nakatuon sa Sulpicio Lines, Coast Guard, at mga naging biktima sa paglubog ng MV Princess of the Stars sa Sibuyan Island, Romblon nakakuha ng aming pansin ang isang paring nagpakita ng kanyang pagiging pastol sa kasagsagan ng bagyong Frank.
Sinasabing sa bisperas ng pagdating ng bagyo sa Romblon, nagpasya si Fr Joey Valencia, kura paroko ng San Fernando, Romblon na huwag magmisa para tulungan ang mga mangingisdang ilikas ang kanilang kabuhayan mula sa pampang tungo sa mas mataas na lupa. Tatlong beses nang tinangay ng alon si Father bago nila itinigil ang paglikas.
Sa lupang nasasakupan ng simbahan, nagpatayo pa siya ng magsisilbing evacuation centers sa mga pamilyang nasalanta. Nasaksihan niya kung paano rumagasa ang malakas na ulan at hangin at kung paano nito sinira ang naipatayong evacuation center - mismong siya ay tinangay ng hangin.
Matapos ang pagsalanta ng bagyo at mabalitaan ang paglubog ng malaking barko malapit sa kanilang isla, tumulong siya sa paghahanap ng mga biktima, patay man o buhay pa. Binendisyunan niya ang mga bangkay na kanyang natagpuan at hinikayat ang mga tao na ipagdasal sila.
Sa kabila ng pagkilala sa kanya bilang isang bayani, nananatiling mapagkumbaba ang pari.
Ang pagkilos ni Fr Joey ay nagbabalik sa alaala ng mga panahong ang kura paroko ang nagsisilbing pinuno ng bayan. Ang mga prayleng Kastila - sa kabila ng mga di maganda't di makatarungang kuwento tungkol sa kanila - ay mga kilalang tagapagtaguyod ng pamayanan.
Si Fr Joey rin ay isang magandang balita sa panahong ang pananaw sa ating mga kaparian ay hindi naaangkop. Ang kanyang kuwento ay nagbibigay-patotoo na sa panahon ng pagsubok maaari tayong umaangat mula sa ating mga 'comfort zones' para madiskubre kung ano pa ang puwede nating magawa sa isang sitwasyon.
Friday, July 04, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
what a very persuading story! nakakaencourage na tularan xa.
Post a Comment