Sa pakikipanayam ni Benedict XVI sa mga kaparian ng Bolzano-Bressanone sa Italya , hinikayat niyang maging bukas-palad ang mga pari sa paggawad ng Unang Komunyon at Kumpil sa mga kabataang humihiling nito subalit mukhang hindi handang palawigin ang kanilang pananampalataya.
Para sa kanya, angkop lamang na maging bukas-palad ang mga pari sa sinumang nais tumanggap ng mga sakramentong ito sa kabila ng mahinang interes ng ilang mananampalatayang makiisa sa buhay ng Simbahan.
Subalit kinilala ng Papa ang kahalagahan na pagbutihin pa ang katesismo ng mga sakramento kung saan ang mga magulang ng mga anak na tatanggap ng mga sakramento ay magkaroon ng kamalayan na ang Unang Komunyon ay hindi wakas kundi isang patuloy na paglalakbay kaisa ni Kristo.
Kadalasan ang pagiging Kristiyano natin ay nagiging isang social status na lamang lalo na kung tayo'y galing sa isang bansang Kristiyano. Hindi ka 'in' kung di ka nagsisimba kagaya ng iba sa iyong paligid. Hindi ka bahagi ng 'barkada' kung hindi ka tumatanggap ng mga sakramento. Imbis na ganito ang maging takbo ng ating pag-iisip at kultura, magandang kilalanin nating muli kung sino ang ating Diyos, isang Panginoon na, sang-ayon sa Banal na Papa, mahabagin at bukas na bukas sa mga makasalanan. Sa pagiging bukas na ito ni Kristo, nahikayat Niyang lalong makiisa sa Kanya ang lahat ng dinamayan Niya.
Maging bukas-palad din tayo sa ating mga kapanalig lalo na sa mga pinanghihinaan ng loob at sa mga kulang sa kaalaman tungkol sa ating pinaniniwalaan. Lahat tayo'y nasa iisang bangka.
Thursday, August 14, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment