Powered by Blogger.

Wednesday, August 20, 2008

Simulan sa Pamilya

Inaprubahan na kamakailan ng Santo Papa ang beatipikasyon ng mag-asawang Louis at Marie Zelie Guerin Martin, mga magulang ni Sta Teresita del NiƱo Jesus. Sinasabing kapwa nila nais italaga ang kanilang buhay sa kabanalan - pangarap noon ni Louis na maging isang monghe. Ang kanilang pangarap ay nagkatotoo sa lima nilang anak na babae na pare-parehong nagmadre.

Hindi na ordinaryo sa kasaysayan ng Simbahan na itanghal sa kanyang mga dambana ang isang mag-anak. Unang-una na sa listahan sina Jesus, Maria, at Jose na lalong kilala bilang Banal na Mag-anak. Nandiyan din ang mag-inang Santa Monica at San Agustin pati na rin ang mag-iinang Beata Juana de Aza, Santo Domingo de Guzman, at Beato Mamerto de Guzman. Gayon din ang magkapatid na San Pedro at San Andres, San Santiago at San Juan, mga apostoles ni Jesus.

Ang kabanalan ay isang panawagan sa lahat. Anuman ang estado natin sa buhay lahat tayo ay maaaring maging banal. At dahil lahat tayo ay nasa 'iisang bangka', kailangan din nating himukin ang ating mga kasama lalo na ang mga miyembro ng ating pamilya na tahakin din ang landas na ito. Hindi ito madali. Alalahanin nating kailangang magtiyaga si Monica sa panalangin at pangangaral upang magbalik-loob si Agustin sa Diyos. Makakayan natin ito dahil hindi tayo aanyayahan ng Panginoon na sumunod sa Kanya kung alam Niyang hindi natin ito kaya.

Sa panahong ang mga aspeto ng ating pananampalataya ay inaasa na lamang natin sa mga pari, madre, katekista o paaralan, mainam na pagnilayan natin ang naging halimbawa ng mga pamilyang sama-samang dumulog at naglingkod sa Panginoon.

Gusto nating maging banal ang ating lipunan? Magsimula tayo sa ating mga tahanan!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP