Powered by Blogger.

Thursday, August 28, 2008

Pitong Kinahahangaan

Para sa karamihan ang Seven Wonders of the World ay ang:

1. Pyramids sa Egypt
2. Taj Mahal sa India
3. Grand Canyon sa Amerika
4. Panama Canal sa Panama
5. Empire State Building sa Amerika
6. St Peter's Basilica sa Roma
7. Great Wall sa China.

Sa isang kuwento, ito ang mga naging sagot ng mga batang mag-aaral nang tanungin sila ng kanilang guro.

Maliban sa isang estudyanteng babae.

Para sa kanya, ang pitong kahanga-hangang bagay sa mundo ay ang:

1. Makakita
2. Makarinig
3. Makahawak/makahipo
4. Makalasap
5. Makadama
6. Makatawa
7. Magmahal

Sa ating buhay, lalo na sa aspeto ng ating pananampalataya, napakahalaga ang mga bagay na ito. Mapalad tayong makakita ng mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos sa ating paligid, makarinig ng Kanyang Salitang ipinahahayag sa atin sa Banal na Misa, manghawak sa mga pangako ng Panginoong hindi kailanman pumapalya sa Kanyang mga sinasabi, makahipo sa puso at kaisipan ng ating kapwa. Masuwerte tayong makalasap ng pag-ibig sa atin ni Jesus, isang pag-ibig na kahit buhay ay ilalaan sa ating kaligtasan. Kay sarap ding makatawa sa kabila ng mga problema sa buhay dahil hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Higit sa lahat, tayo ay may kakayahang magmahal sa Diyos at sa kapwa.

Bagamat hindi lahat ay maaaring makilala ito dahil sa pisikal o espiritwal na kapansanan, sikapin nating maging daan para madiskubre din nila ito. Maging instrumento tayo upang muling makakita ang mga nabulag na sa kanilang kayabangan at pagkalulong sa bisyo, muling makarinig ang mga nabingi na sa ingay ng materyalismo, muling manghawak sa kamay ng Diyos ang mga nagsitalikod na sa Kanya, muling makalasap ng kabutihan ang mga biktima ng karahasan, muling makatawa (o makangiti man lang) ang mga nasisiraan na ng loob, muling magmahal ang mga nag-aakalang wala na silang kakayahang umibig pa.

Ganito ang naging halimbawa ni Rufino Cardinal Santos, pangalawang Pilipinong obispo at unang Pilipinong naging kardinal ng Simbahan, na ang ika-100 taon ng kapanganakan ay ating inalala noong ika-26 ng Agosto. Hinubog ng isang mapagmahal na pamilya at pagnanais na maging isang pari, naging kasangkapan siya para maglingkod sa sambayanan ng Panginoon. Ang kanyang kabutihan at kadakilaan ay sinubok nang ipagtanggol niya ang Arsobispo Michael O'Doherty sa mga Hapon sa mga haka-hakang nagbibigay ito ng tulong sa mga presong Amerikano at mga gerilya. Sinabi ni Santos na siya, bilang kalihim ng Arsobispo, ang naglabas ng pondo para tulungan ang mga biktima ng giyera. Kinulong siya at papatayin na sana subalit iniligtas ng mga Amerikano sa bisperas ng kanyang kamatayan.

Sa ngayon, ang kanyang pangalan ay bahagi na lang marahil ng kasaysayan subalit ang mga bunga ng kanyang kabutihan ay tinatamasa pa rin ng maraming Pilipinong Katoliko: ang Radyo Veritas, ang Caritas Manila, ang Pius XII Catholic Center, at ang Manila Cathedral. Sang-ayon kay Gaudencio Cardinal Rosales, hindi lahat nakakaalam na sa kasagsagan ng panunungkulan ni Cardinal Santos, siya ay may diabetes at tumor sa utak na kasing laki ng tennis ball.

Maganda at mabuti ang mundo. Iyan ang kalooban ng Diyos. Iyan ang dapat nating isakatuparan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP