Sa talinghaga ng pariseo at publikano, ikinuwento ni Jesus kung paano nagyabang ang pariseo sa kanyang pagdarasal na para bang utang na loob pa sa kanya ng Diyos ang lahat ng kabutihan niyang ginawa. Kakaibang-kakaiba sa inasal ng publikano na kumilala sa kanyang pagkakasala at humingi ng awa sa Diyos.
"Awa ng Diyos..." ang malimit nating naririnig sa mga tao, lalo na sa mga matatanda kung atin silang kukumustahin. Ang mga katagang ito'y puno ng kababaang-loob, pagtitiwala, at pagkilala sa kakayahan at kapangyarihan ng nakatataas sa atin.
Ang debosyon sa Banal na Awa (Divine Mercy) ay popular na popular na sa buong mundo. Sa Pilipinas, ito'y parang apoy na kumalat sa isang gubat mula nang ilunsad ni Bro. Don de Castro ang "Three o'clock Habit", ang pagdarasal tuwing alas tres ng hapon bilang pag-alala sa pagkamatay ni Jesus at pagdulog sa Kanyang awa. Ang huling bahagi ng dasal ay nakakaantig ng damdamin: "Jesus, I trust in you."
Mahalagang magtiwala tayo sa awa ng Diyos, kung hindi magagaya lang tayo kay Judas na nasiraan ng loob at nagpakamatay. Tularan natin ang publikano sa talinghaga ni Kristo na dumulog sa Banal na Awa. Isang paraan kung paano tayo makakadulog sa awa ng Diyos ay ang pangungumpisal sa pari.
Subalit importante ring malaman na di dapat abusuhin ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala, katamaran, at paggamit sa kumpisal bilang linsensya para magkasala muli. Tunay na isang malaking hamon ang talikdan ang kasalanan pero huwag naman nating gawing pambanlaw lang sa ating maruming kaluluwa ang Sakramento ng Kumpisal at pagkatapos ay tatalon tayong muli sa lusak ng pagkakamali sa susunod na pagkakataong tuksuhin tayo ng diyablo.
Kung magtitiwala tayo sa Banal na Awa, makakamtan natin ang kapayapaang hatid ng Muling Nabuhay na Panginoon. Kapayapaang tinaglay ng publikano matapos ang kanyang pagdarasal. Kapayapaang matagal nang hinahanap ng ating tuliro at pagod na mga puso.
Friday, April 17, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment