Powered by Blogger.

Sunday, April 12, 2009

Aleluya

Ito ang ating maririnig simula ngayong Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang pinakadakilang kapistahan ng Banal na Simbahan. Isang awit ng papuri sa Amang nagsugo ng Kanyang kaisa-isang Anak sa mundo. Isang awit ng papuri din sa Anak na naging tapat sa Kanyang pangakong mabubuhay muli matapos ang tatlong araw. Isang awit ng papuri sa Banal na Espiritung ipagkakaloob ng Ama at ng Anak sa sinumang sumampalataya sa Diyos.

Ito ang panahon na dapat ipagsaya dahil napagtagumpayan ni Kristo ang kasalanan at kamatayan. Samakatuwid, Siya ang Tagapagligtas ng mundo!

Ito ang panahon na dapat tayong magalak dahil, kung baga sa abogado, naipanalo ni Jesus ang kasong isinakdal ng demonyo laban sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay nabswelto tayo at, lalo't higit, naging pag-aari na tayo ng Panginoon.

Ito ang panahon para lalo pa nating ipakita, ipadama, ipahayag na totoong nabuhay mag-uli ang ating Diyos. Apatnapung araw tayong 'naglakbay' para umabot sa masayang okasyon na ito. At sa ating paglalakbay, tinalakay ng ating mga nagdaang editoryal ang:

Kalabit ng Diyos - Naramdaman na ba natin ito? Kung oo, ano na ang ginawa natin? Nagising na ba tayo o natulog uli?

Wisyo - Tumalab na ba sa atin ang mga aral ng nakaraan? Mapapatunayan lang ito kung makatuwiran lagi ang anumang desisyon natin sa buhay.

Asal - Tinalikuran na ba natin ang maling asal at pinalitan ito ng asal ni Kristo?

Reto - Naipakilala na ba natin si Kristo sa iba? Sa ating pagpapakilala, nakita ba sa atin ng iba ang sigasig at paninindigan para sa Kanya?

Engganyo - Kailan naging buhay na buhay ang ating paglilingkod sa Diyos at sa kapwa?

Sugo - Masasabi na ba nating tayo rin ay mga sugo ng Diyos? Alam na ba natin kung ano ang dapat nating dalhin sa kung saan Niya tayo isinusugo?

Misyon - Sa araw-araw na ipinagkaloob sa atin, napapansin pa ba natin ang ating misyon sa buhay? Maalab ba natin itong isinasagawa?

Hindi mabubuo ang Kuwaresma kung wala ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kung nanamnamin natin ang mga paksang ating tinalakay noon, magiging lubos ang kasayahang ating madarama ngayon. Ang Aleluya ay hindi lamang magiging isang awit. Ito'y magiging sistema na ng ating bagong buhay kaisa ni Kristong Muling Nabuhay.

Isang makabuluhang Pasko ng Muling Pagkabuhay sa inyong lahat!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP