Powered by Blogger.

Wednesday, April 01, 2009

Misyon

Marahil napanood ninyo noong isang linggo ang isang aleng nagtangkang magpakamatay sa LRT Tayuman Station. Sa kabutihang-palad, hindi siya nasagasaan ng paparating na tren. Sinasabing labis na naapektuhan ang babae sa tindi ng kahirapan at kawalan ng hanap-buhay.

Sang-ayon kay Msgr Emmanuel Sunga, isang kilalang pari sa Archdiocese of Manila, hindi pa tapos ang ating misyon sa mundo kung tayo'y buhay pa. Sa kaso ng babaeng nagnais magpatiwakal, hindi pa ganap ang kanyang misyon sa lupa. Halimbawa, hindi pa tapos ang kanyang tungkulin na pangalagaan ang kanyang pamilya. Oo nga't wala siyang trabaho sa ngayon pero hindi ibig sabihin nito'y wala ng saysay ang kanyang buhay. Ang pagkakaligtas niya sa rumaragasang tren ay indikasyon na hindi pa niya oras para humarap sa Dakilang Hukom.
May mga pagkakataong dumaraan din tayo sa ganitong klase ng kadiliman at kawalan. Minsan pa nga'y nararamdaman nating parang wala ng saysay para mabuhay at natutukso tayong wakasan na ito. Si Blessed Teresa ng Calcutta na kilalang-kilala sa kanyang pagmamahal sa mga mahihirap, sa maniwala kayo't sa hindi, ay dumanas din ng kadiliman sa kanyang buhay. Sa aklat na pinamagatang "Come, Be My Light. The Private Writings of the 'Saint of Calcultta'" na naglalaman ng kanyang mga liham, inamin ni Mother Teresa nang tanggapin niya ang Ramon Magsaysay Award sa Pilipinas nooong 196, nanalangin siyang tila puno ng kawalan. Hindi niya hangad ang karangalan. Ang tanging hinahanap ng kanyang puso ay si Jesus, si Jesus na minsan ay tila wala sa mga nagaganap sa ating buhay at paligid. Sa kabila ng karanasang ito, nanatiling nagtitiwala si Blessed Teresa at patuloy na naglingkod sa mga maralita-hanggang sa yumao siya noong 1997.
Madre, pari, magulang o anumang estado tayo, mahalagang makilala natin na lahat tayo'y may misyon. Ang misyong ito'y pinagkatiwala sa atin ng Diyos. At dahil may tiwala Siya sa atin, buong katapatan at pagmamahal nating isagawa ito. Isang siguradong misyon nating lahat ay pangalagaan ang ating kapaligiran, ang Inang Kalikasan na lagi na lamang nagiging biktima ng ating kapabayaan o kaya'y mga maling prayoridad ng ating mga pinuno.
Hindi laging madali at madalas pa nga'y nakakatikim tayo ng pagpuna ng kapwa kung gusto nating tuparin ang ating misyon. Subalit wala ito sa pag-ibig ng Diyos; wala ito sa kahariang naghihintay sa atin matapos na maging ganap na ang ating misyon.
Sa ating pag-alala sa Semana Santa kumapit tayong muli kay Kristo, ang Anak na lubos na tumupad sa Kanyang misyon na makabalik tayong lahat sa mga yakap ng Ama kahit ang kapalit nito'y ang mapait na kamatayan sa krus.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP