Puno ng pagdiriwang ng samu’t saring pagdiriwang ang pag-alala ang buwan ng Nobyembre. Bukod sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, matutunghayan din natin ang pista nina San Martin De Porres, kilala sa kanyang kawanggawa at paglilingkod; San Carlos Borromeo, tanyag sa kanyang pangangalaga sa kanyang sambayanan bilang arsobispo at kardinal; at Santa Cecilia, kilala sa kanyang katapatan sa pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig.
Sa paggunita sa mga santo at sa mga yumao (bunsod ang pag-asang balang-araw sila’y makakapiling na rin ng Diyos) ngayong Nobyembre ay parang mga ilaw ng poste sa kalsada na gumagabay sa atin patungo sa tampok na pista sa buwang ito: ang Kapistahan ni Kristong Hari.
Bagama’t madalas nating nakikita ang mga imahen at rebulto ni Kristo na nakaupo sa trono at may hawak na setro, ang tunay na trono ni Kristong Hari ay ang krus at ang tunay Niyang korona ay puno ng tinik. Sang-ayon kay Bishop Malcolm McMahon ng Nottingham Diocese, ang kabalintunaan ng ating pagkakaunawa sa haring nakaluklok sa kanyang trono at kay Kristong Haring nakabayubay sa krus ay nakakabigla. Subalit hindi tayo dapat magulat sa pagkakaibang ito dahil itinuro mismo sa atin ng Panginoon na magkaroon ng ibang pananaw sa mga tao, mga kaganapan, at mga bagay sa mundong ito.
Ang panawagang ito ng Obispo ay isang napapanahong panawagan lalo na sa ating mga pinuno – sa ating bansa, sa ating Simbahan, at sa ating komunidad. Sa ating pamhalaang-bayan, sariwa pa sa ating alaala kung paano inabuso ng dating administrasyon ang kanyang kapangyarihan para maisulong ang mga pansariling interes. Sa ating Simbahan, may ilang pinuno tayong di naging tapat sa kanilang bokasyon at itinuring na pag-aari ang kabang-yaman ng Simbahan. Sa ating komunidad, may mga lider na kung umasta ay amo sila ng kanilang nasasakupan.
Oras na para baguhin ng bawat lider ang kanilang pananaw sa pamumuno at sa kanilang pinamumunuan. Isang Kristiyanong pananaw ang kailangan! Isang uri ng pananaw na ang tingin sa posisyon ay paglilingkod, na ang tingin sa kapangyarihan ay mabuting kapakanan ng pinamumunuan bago ang sarili, na ang prinsipyo'y nakaugat kay Kristong naparito para maglingkod at di paglingkuran.
At dahil sa ating mga mamamayan nanggagaling ang sinumang namumuno - bilang mga botante o kaya'y mga magulang o kapatid, marapat lamang na suriin din natin ang ating mga sarili. Kung kinikilala natin si Kristo bilang ating hari, nakikita ba sa ating buhay ang uri ng pamumuhay na tinahak ni Kristo?
No comments:
Post a Comment